Abante Tonite
Mabilis sa Balita

UP ipaglalaban ni Poe

0 90

Marami ang nagulantang sa ginawang pagputol ng Department of National Defense (DND) sa tatlong dekadang kasunduan sa University of the Philippines (UP) na nagbabawal sa mga pulis at militar na pumasok sa campus kung walang koordinasyon sa opisyal ng pamantasan.

Tinapos ang kasunduan sa pinadalang liham ni Defense Secretary Delfin Lorenzana kay University of the Philippines (UP) President Danilo Concepcion noong Enero 15. Nabigla ang UP president at buong community dahil wala man lang isinagawang konsultasyon bago nagdesisyon ang DND.

Katuwiran ni Lorenzana, obsolete na ang kasunduan at nagiging “safe haven” na raw ng kalaban ng gobyerno ang UP. Malaya raw kasi ang New People’s Army (NPA) na makapag-recruit ng estudyante mula UP para sumapi sa kanilang kilusan.

Hindi tinanggap ng UP community ang paliwanag ng DND chief. Ilang senador din ang pumalag sa ginawa ng kalihim, isa na dito si Senadora Grace Poe. Nag-aral din sa UP ang senadora kaya alam niya kung tama o sablay ang rason ni Lorenzana.

Sa pananaw ng senadora, walang monopolya ng idelohiya sa UP. Lahat ay maaaring magsulong ng kanilang paniniwala na hindi kailangang gumamit ng dahas. Sa katunayan, hinahayaan dito ang mga DDS o Diehard Duterte Supporters na maghasik ng kanilang ipinaglalaban.

Dahil sa ginawa ng kalihim, nangangamba si Poe na masikil ang tinatamasang academic freedom sa UP. Mababawasan din ang mahalagang papel ng Pamantasan sa pagbabago ng ating lipunan.

Noon pang 1989 nabuo ang kasunduan sa pagitan nina dating DND Secretary Fidel V. Ramos at UP President Jose Abueva. Ito yung panahon ng administrasyon ni dating Pangulong Corazon C. Aquino. Ilang pangulo at DND secretary na ang nagsilbi sa bansa, pero ngayon lamang pinagdiskitahan ang kasunduan hanggang sa ito’y putulin na ni Lorenzana.

Siyempre, hindi basta-basta susuko dito si Senador Poe. Naghain agad siya ng panukalang batas upang pagbawalan ang mga pulis at sundalo na makapasok sa mga campus ng UP, maliban kung may emergency. Katuwang niya sa pagsusulong ng Senate Bill No. 2002 sina Senador Joel Villanueva, Sonny Angara at Nancy Binay.

Hangad ni Poe na susugan ang UP Charter sa ilalim ng Republic Act No. 9500 upang maging permanente na ang pag-ban sa mga pulis at sundalo sa mga campus ng UP. Hindi na uubra ang solong diskarte ng DND chief.

Mabibilang lang sa daliri ang senador na pumalag sa ginawa ng DND chief. Masuwerte ang Pilipinas at mayroong Senador Poe na handang ipaglaban ang autonomy ng UP.

Leave A Reply

Your email address will not be published.