Abante Tonite Interactive

UP student natagpuang bangkay, ulo plinastik

457

Masusing iniimbestigahan ng mga awtoridad kung nagpakamatay o sad­yang pinatay ang isang estudyante ng University of the Philippines (UP) na natagpuang nakabalot ng plastic bag ang ulo sa nirerentahang silid sa Quezon City, Huwebes ng hapon.

Ayon kay PSSg. Genaro Diego, imbestigador ng Criminal Investigation and Detection Unit ng Quezon City Police District, ang biktimang si Emmanuel, 19, UP student at taga-Brgy. UP Campus, QC ay natagpuan bandang alas-4:59 ng hapon (Disyembre 5) na bangkay na sa loob ng silid ng nirerentahang boarding house.

Sa pahayag sa pulisya ni Amiel Edward Lamit, boardmate ng biktima, pag-uwi umano nito ay hindi mabuksan ang pinto dahil may nakaharang.

Pagkatok nito at wala pa ring nagbubukas ay humingi na ng saklolo sa landlord nilang si Winston De Vera.

Pagbukas ng pintuan ay bumungad ang nakabulagtang katawan ng UP student na may balot ng dilaw na plastic bag ang ulo.

Nang pulsuhan ang biktima ay wala na itong buhay kaya agad na nilang ini-report sa pulisya ang insidente.

Sinabi ni John O. Agtarap ng SOCO na wala naman silang nakitang ‘external injury’ sa bangkay ng biktima at posibleng ‘suffocation’ ang ikinamatay nito. (Dolly Cabreza)