Abante Tonite Interactive

Upang ‘di maging biktima ng nakaraan

By
17

Dear Kuya Rom,

Naging abala ako sa pagtitinda ko sa isang maliit na puwesto sa palengke sa probinsya. Kasi naaksidente ang tatay ko at nahihirapang kumilos. Bilang panganay, kailangang kumayod ako para makapag-aral ang dalawang kapatid ko. Parehas silang nakatapos at may trabaho na ngayon.

Naisip kong magbakasyon at makita ang Tita ko na nakatira sa Makati. Minsang namasyal kami ni Tita, nakasalubong namin ang kababata kong matagal ng hindi ko nakikita. Siya pala ay naging engineer at contractor sa construction, at napadpad sa Makati.

Niligawan niya ako, sinagot ko siya, at agad kaming nagpakasal. Tumira kami sa Makati kung saan marami siyang project, gumagawa ng mga bahay ng mga mayayaman. Apat na taon na kaming nagsasama at may dalawang anak.

Noong Pasko, nagkaroon kami ng problema. Nagtapat siya tungkol sa nakaraan. Nakabuntis siya ng babae noon, pero hindi niya pinakasalan dahil magkaiba sila ng relihiyon. Ang babae ay itinago ng kanyang mga magulang hanggang ito ay magsilang.

Sabi niya, pinagbawalan siyang makita ang kanyang anak, at nagpapadala lang siya ng regalo para sa bata. Pero ngayon, pinayagan na siyang makita ang anak niya, dahil may-asawa na ang babae.

Nasaktan ako sa kanyang paglilihim. Sabi niya, kailangang harapin namin ito, sapagkat hindi niya mababago ang nakaraan. Gustong magabayan niya sa paglaki ang kanyang anak sa labas.

Nahihirapan akong harapin ito. Paano ko tatanggaping ang asawa ko ay may ibang anak? Paano ko tatratuhin ang bata? — Selena

Dear Selena,

Ang batang tinutukoy ay walang kasalanan. Ang pagkakamali ng kanyang mga magulang ay hindi niya kagagawan. Kung iisipin mo ang katotohanang ito, maaawa ka sa kanya. Ito ang magtutulak sa iyo para tratuhin mo siya ng mabuti, may pag-ibig at kahabagan.

Talagang masakit sa iyo ang paglilihim ng iyong asawa. Isipin mong ginawa niya ang paglilihim dahil mahal ka niya at gustong makasal kayo na may mapayapang mga puso at walang ibang bagay na bumabagabag sa inyo. Kung siya ay humingi ng tawad sa Dios sa kanyang kasalanan, makakatiyak kang pinatawad siya ng Dios.

Gawin mong gabay ang tagubilin ng Biblia: “… maging mabait kayo at maawain sa isa’t isa. At magpatawad kayo sa isa’t isa gaya ng pagpapatawad ng Dios sa inyo…” (Efeso 4:32).

Ang pag-ibig ay hindi mapagtanim ng sama ng loob sa kapwa (1 Corinto 13:5).

Selena, maiging patawarin mo si mister sa kanyang paglilihim sa iyo. Ang pagpapatawad ay pagtanggi na maging biktima ka ng nakaraan na hindi mo kagagawan.

Ang pagpapatawad ay pagtitiwala sa Dios ng mga bagay na wala kang kontrol. Ang ganap na pagpapatawad ay susi sa pinto ng bagong simula — na may pag-ibig, kapayapaan, at kaligayahan. God bless you!

Payong kapatid,
Kuya Rom