Abante Tonite Interactive

Ursabia best hitter-slugger, pero ika-4 lang ang Blu Girls

283

‘Di nasustena ng national women’s softball team ang mainit na simu- lang kampanya kaya lumagak lang na fourth place sa wakas nitong Martes ng 2019 Asia Cup Women’s Softball Championship sa Gelora Bung Karno Softball Stadium sa Jakarta, Indonesia.

Sablay maski sa bronze medal match ang world No. 13 PH Blu Girls nang tumilapon kontra No. 6 Chinese Taipei, 0-10.

Konsuwelong nakopo ni Angelie Ursabia ang Best Hitter at Best Slugger ng isang linggong torneong nilahukan ng 10 bansa noong Mayo 1-7.

Napadpad sa bronze match ang Nationals nang malasap ang 0-10 loss din sa No. 2 Japan sa semifinals. Sinalya muna ng mga Pinay clouter sa quarterfinals ang Group A third placer at world No. 23 South Korea, 5-1.

Umupong Group B prelims secondplacer ang PH squad nang malasap ang unang semplang sa Taiwanese, 4-6. Bago ito pinaghahambalos ng mga Pilipina ang No. 50 Singapore13-0, ang No. 42 Hong Kong, 10-0, at ang No. 37 Indonesia, 8-0.

Salto rin sa 17th World Championships ang Phil. team, pero swak sa 2019 WBSC Softball Asia/Oceania 2019 Qualifying Event sa Sept. 24-29 sa Shanghai, China kung saan ang magkakampeon dito ang susulong sa 32nd Summer Olympic Games sa Tokyo, Japan sa papasok na taon. (RDC)