Abante Tonite
Mabilis sa Balita

US military base tablado kay Digong

0 278

Hindi papayagan ni Pangulong Rodrigo Duterte na muling makapagtatag ng base militar ang Amerika sa Pilipinas dahil tiyak na mabubura aniya ang bansa kapag pumutok ang digmaan sa pagitan ng Estados Unidos at China.

Sa kanyang ikalimang State of the Nation Address (SONA), pinanatili ng Pangulo ang pagiging neutral sa iringan ng dalawang makapangyarihang bansa.

Wala aniya siyang papanigan sa China at Amerika dahil parehong kaibigan ito ng Pilipinas subalit hindi niya hahayaang madamay ang bansa sa away ng mga ito.

“I am not against US, I have nothing against China, but if you put bases here, maglagay-lagay ka ng base at this time, this will ensure if war breaks out, this will ensure the extinction of the Filipino nation,” anang Pangulo.

Ang Pilipinas aniya ang unang tatargetin ng China kapag nagkaroon ng base militar ang Amerika sa bansa at hindi niya papayagan na madamay ang bansa sa gusot ng mga ito.

Sinabi pa ni Pangulong Duterte na walang pagkakautang ang gobyerno sa kahit kanino at ipagtatanggol ng bansa ang karapatan sa South China Sea.

Gayonman, aminado ito na hindi niya kayang labanan ang puwersa ng mga bansang umaangkin sa mga teritoryo sa South China Sea dahil hindi handa ang gobyerno na makipaggiyera lalo na sa China.

“I cannot afford it. Maybe some other President can but I cannot. Inutil ako diyan and I’m willing to admit it talagang inutil ako diyan, walang magawa,” dagdag ng Pangulo.(Aileen Taliping)

Leave A Reply

Your email address will not be published.