Abante Tonite Interactive

Usahay nagmula pala sa Davao

233

Kamakailan, nakahiligan ko ang mga kanta ng Aegis at isa sa mga tala­gang paborito ko kahit na Tagalog na Kapampa­ngan ako ay ang kantang Bisaya na ‘Usahay’. Aba, kinanta rin ito sa pelikula ni Fernando Poe, Jr. at pinasikat din nina Pilita Corrales, Susan Fuentes, Dulce, Vina Morales, Gary Granada at Noel Cabangon.

Ang kahulugan ng salitang ‘Usahay’ ay ‘minsan’. Tungkol ito sa dalawang mangi­ngibig na hindi nagkatuluyan. Ipinananaghoy ang pagmamahal na ibinigay sa isang taong hindi na­ging tapat sa kanilang sumpaan. Sa matagal na panahon, itinuring ito na isa sa mga tradisyunal na awiting mula sa Cebu.

Ngunit ilang taon na ang nakalilipas, napag-alaman ang tunay at kakaibang kasaysayan ng awiting ito. (1) hindi Cebu ang pinagmulan ng kanta kundi Davao at (2) ang kompositor nito ay isa palang pulis!!!

Kompositor pa mula pa noong kolehiyo si Gregorio Responso Labja na naging koronel ng pulisya. Sinulat niya ang ‘Usahay’ noong 1954. Sa isang pa­nayam na inilathala sa Davao Yearbook 2016 ng Sunstar, ikinuwento ng panga­lawa sa sampung anak ni Greg na si Jennifer Labja-Mendoza, “Ang inspirasyon ni papa sa ‘Usahay’ ay ‘yung babaeng niligawan niya pero hindi siya sinagot.”

Nang patugtugin ito sa isang okasyon ng banda ng Philippine Constabulary-Integra­ted National Police sa Tagum, Davao del Norte ang kanta, hindi nila alam na may nag-record pala ng awitin.

Nakita na lang na sumulpot ang awitin sa isang album na ‘Cebuano’ na inawit ni Leni Alano at kinatha raw ng isang Nitoy Gonzales noong 1962. Tapos, inawit na ito ng mga pinakasikat na mga mang-aawit ng bansa. Hindi nagdemanda si Greg hanggang suma­kabilang-buhay noong 1991 sa edad lamang na 59.

Sa kabila ng kawalan ng rekognisyon, patuloy na gumawa ng awitin si Greg, ang ‘Darling’ at ang ‘Gugma Ko’ na inalay niya sa misis na si Noemi Raymundo Orteg-Labja at maging ang Davao del Norte March at ang Tagum Hymn.

May sulat rin sa kanya si dating Pangulo Cory Aquino noong 20 December 1990 na nagpapasa­lamat sa inalay niyang awitin para sa kanya at sa katapatan niya sa pamumuno ng pangulo na humaharap sa iba’t ibang hamon at krisis.

Anuman, lumabas ang tunay na kuwento ng Usahay at nang manalo ang grupong Dabawen­yo na ‘South Border’ sa kanilang rendisyon ng ‘Usahay’ ng Best Regional Recording sa Awit Awards, binigay nila ang tropeo sa pamilya Labja.

Nang sa wakas, noong 2009, ipinakita ng mga anak ni Greg sa FILSCAP ang orihinal na score sheet ng ‘Usahay’ at matapos ang masusing pag-aaral, kinilala na rin sa wakas si Labja bilang orihinal na kompositor ng awitin.

Naibigay na ang tamang pagkilala sa pa­naghoy ni Pulis Koronel Greg Labja sa kanyang obra. Pero hindi na mahalaga kung saang lugar nanggaling ang kanta, kayamanan ito ng buong bansang ­Pilipinas.