Abante Tonite Interactive

Usapan sa social media

162

Dear Kuya Rom,

Itago mo na lang ako sa ngalang Fred. Tulad ng ibang kabataan, mahilig akong sumunod sa kung ano ang bago. Hindi naman masama ito, ‘di ba? Siyempre, sumasali ako sa usapan sa social media.

Dito ako may problema. Kapag may opinyon ako, sinasabi ko. Kaso, aatake ang mga kontra. Hina-harass nila ako.

Ang masama, sa lahat na lang ng ­sulok ng buhay ko, naninira sila. Parang sinisira nila ang buong pagkatao ko. Wala ba akong kalayaang magsalita? Wala ba akong boses sa mundong ito?

Ipaglalaban ko ba ang sarili ko o huwag na lang akong mag-post sa social media? Magtatago na lang ba ako? Anong mabuting gawin sa ganitong pagsubok?
— Fred

Dear Fred,

Huwag kang magtago. Mag-post ka pa rin sa ­social media. Malaya ka. Isipin mong hindi ka nag-iisang nakararanas ng mga batikos ng iba.

May mga taong hindi mo kilala ay kokontra sa opinyon mo sapagkat malaya silang gawin ito.

Ang iba ay personal ang atake sa iyo, maligaya silang upakan ka at natutuwa silang siraan at saktan ka.

May mga taong may mas mataas na pinag-aralan at mababa ang tingin nila sa iyo. Mayroon ding may mababang pinag-aralan, mahina ang utak, pero walang pigil ang dila. Hindi mo sila mapipigil, pagpasensiyahan mo na lamang sila at huwag pansinin.

Ito ay isang uri ng pagsubok sa iyo na kailangang malagpasan at mapagtagumpayan mo. Paano? Narito ang ilang gabay na makakatulong sa iyo:

Kilalanin at tanggapin mo na ang pagsubok ay kasama sa buhay ng lahat tao sa mundong ito.

Ang layunin ng pagsubok ay paunlarin ang iyong karakter at pagtibayin ang iyong pananalig sa Diyos. Kaya maging handa ka sa mga pagsubok.

Una, susubukin ka kung paano ka tumutugon sa mga problema. Pangalawa, susubukin ka kung paano ka tumutugon sa utos o salita ng Diyos. Pangatlo, susubukin ka kung paano ka tumutugon o humaharap sa ibang tao.

Ayon sa Biblia, ito ang mabuti mong gawin: Magalak ka kung ikaw ay dumaraan sa mga problema sapagkat ito ay isang paraan upang maging matatag ang iyong pananampalataya sa Diyos at sa iyong sarili.

Magalak kang sundin ang utos ng Diyos sapagkat ito ay para sa kabutihan mo. Magalak kang harapin ang ibang tao sapagkat sila ay nilikha ng Diyos na tulad mo.

Ang praktikal na gabay sa iyo ay ito: Pigilin mo ang iyong dila. Kung hindi maganda ang ­iniisip, ­itikum mo ang iyong bibig. Maging mabait at ­mahabagin ka sa lahat.

Isabuhay mo ito: “Hindi ipinagyayabang ng taong marunong ang kanyang nalalaman, ngunit ang ­hangal ay ibinibida ang kanyang kahangalan…

Nakapagpapalungkot sa tao ang kabalisahan, ngunit ang magandang pananalita ay kaaliwan.” (Kawikaan? ?12:23, 25?)

Fred, sabihin mo lamang ang mga salitang makakatulong. May God bless you!

Payong kapatid,
Kuya Rom