Abante Tonite Interactive

Usapang basketball

685

Alam nating lahat na ang basketball sa Pilipinas ay napakapopular.

May nabasa akong sa isang pag-aaral noong araw sa Asian Institute of Management na nagsasabi na “79% ng mga batang Pinoy ay nagbabasketbol at alam ang mga patakaran para sa laro”.

Ganoon kasikat ang larong ito. Ang volleyball din ay sumisikat na rin. Marami ang nakakakilala kay Alyssa Valdez at iba pa.

Pero ang basketball, iba talaga. Siguro dahil pati mga kalye sa Maynila, tinatayuan ng mga court kung saan naglalaro ang mga bata. Pati mga liga ngayon, ay napapanood na rin sa free TV, cable TV at iba pa. Hinding-hindi nagsasawa ang mga Pilipino sa basketball.

Nakausap ko si Coach Leo Austria ng San Miguel Beermen, at malungkot na sinabi niya sa akin na medyo matatagalan pa ang balik ni five-time MVP June Mar Fajardo sa PBA. Ang fracture injury aniya ay kagaya kay NBA player Paul George.

Maaalala natin na isang taon din inabot ang pahinga ni George sa karamdaman din sa alulod. Pagkatapos ng operasyon ni Fajardo, kakailanganin din nang matagal-tagal na rehab, hanggang gumaling na talaga. Bakit ba nangyayari ang ganitong injury? Siguro sa bugbog sa laro. Halos buong taon naglalaro ang mga player natin. Minsan, kung wala masyadong warm up, nagkakaroon din ng mga sports injury. Masusubukan na rin ang galing ni Mo Tautuaa na siyang magiging sentro ng Beermen sa paghalili sa puwesto ni June Mar.

Sa liga ng college at university teams naman, mukhang mahirap pa ring matalo ang Ateneo.

Sa kasalukuyang PCCL, tinalo ng Ateneo ang San Beda, Miyerkoles ng hapon. Nagpapakita nang husto ang mga manlalaro ng Ateneo, katulad ni SJ Belangel, Dwight Ramos, Matthew Daves, at Geo Chui. Malakas pa rin ang Blue Eagles sa darating na UAAP season kasi nariyan pa rin si Ange Kouame.

Kung meron man akong nakikitang may laban sa Ateneo, siguro ang UST, kahit tinalo sila ng Ateneo, 82-71, sa laro nila sa PCCL din. Sa totoo lang, bigatin pa rin talaga ang Ateneo.