Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Usapin sa kultura vs kapakanan ng batang Pinoy

0 334

SIMULA buwan ng Abril hanggang katapusan ng Mayo ay panahon ng circumcision o pagtutuli sa ating bansa at halos lahat ng batang may edad 8 hanggang 14 anyos ay sumasailalim sa kinagisnan nating kulturang ito.

Katunayan maraming lokal na pamahalaan ang naghahandog pa ng libreng tuli para sa mga kababayan nating nais ng ligtas na serbisyo at may mga nagpapatuli rin na mas higit na sa pamantayang edad na 8 hanggang 14 anyos.

Ngunit hanggang sa kasalukuyan ay marami pa rin sa mga lalawigan ang tinutuli sa pamamagitan ng ‘pukpok’ o simpleng paghiwa sa foreskin o balat na walang anesthesia o pampamanhid at tanging nginuyang dahon lamang ng bayabas ang itinatapal na panggamot.

Totoo ang mga kuwento ng maraming nakaranas nito na nalunok nila ang ipinangunguyang dahon ng bayabas dahil sa sakit na kanilang naramdaman nang pukpukin ng sanga ng nagtutuli ang labahang ginamit sa kanila.

Dahil sa balat lang naman ang hiniwa ay agad din maman itong gumagaling makalipas ang ilang araw ngunit may mga kasong dumaranas din ng impeksiyon na kinakailangang dalhin sa pagamutan ang isang batang tinuli.

Sa buong mundo ay maituturing na ang Pilipinas ang may pinakamataas na ulat ng mga kabataang tinutuli dahil dahil mismong ang mga magulang o ang ama mismo ang humihimok na dapat magpatuli ang isang bata.

Ngunit maraming organisasyon sa iba’t-ibang panig ng daigdig ang hindi pabor sa sapilitang pagtutuli dahil sa tinatawag nila itong child abuse dahil sa sobrang pressure at stress na pinagdaraanan umano ng isang bata ilang araw bago pa ito tuliin.

Ayon sa World Health Organization (WHO) 90 porsiyento umano ng mga batang lalaki na tinuli sa buong Asya ay walang kinalaman sa relehiyon ngunit may ilang ginagawa ito dahil sa kinaaaniban nilang pananampalataya.

Sa ating bansa, maraming bata ang nauubligang magpatuli dahil sa impluwensiya ng mga kalaro at ito rin ang paniniwala ng marami na ito na ang tamang daan patungo sa pagkabinata.

SM food to go Banner Ad

Maging ang ilang propesor sa De La Salle University ay nagpahayag na ang katagang ‘supot’ sa Pilipinas ay nagpapahiwatig ng isang karuwagan dahil sa kakulangan ng lakas ng loob na tiisin ang sakit at anxiety na karaniwang nararanasan bago tuliin.

Tanging ang katagang “parang kinagat lang ng langgam” ang ginagamit na anesthesia ng mga magulang para kumbinsihin ang kanilang mga anak para magpatuli ngunit kabiguan ito sa panig ng bata dahil sa sobrang sakit na kaniyang dinanas.

Ayon sa tagapagsalita ng Doctors Opposing Circumcision, isang US-based advocacy group, mas mabuti umanong ibigay sa isang magpapatuli ang desisyon kung kailan at anong edad niya nais magpatuli at huwag pilitin sa murang edad.

Wala naman umanong pagkakaiba kung magpatuli ng mas may edad bagkus ay may bentahe pa dahil kaya na umano nilang gamutin ang kanilang sarili kumpara sa mga batang wala pang muwang.

May mga bansa na rin umanong optional na ang pagpapatuli dahil may mga kaso umanong nagkakaroon ng epekto ang dinaranas na trauma ng isang bata ilang araw bago matuli ngunit may mga bata rin umano na madaling makarekober sa takot.

Ayon naman sa Department of Health (DOH) ang pagtutuli sa ating bansa ay usaping medikal dahil sa prayoridad nito ang kalinisan higit pa sa kahit anumang usaping nakapaloob sa proseso nang pagtutuli.

Sa Pilipinas mas malaking trauma ang lumalaki ang isang bata na tinutukso ng kaniyang mga kaklase o kalaro dahil sa hindi pa natutuli o talagang ayaw magpatuli.

Kung isasangkot natin ang ibang bansa sa usaping ito ay para tayong nagtanong kung ano ang nauna itlog o manok?—pero sa ating bansa isang maliwanag na kapabayaan kung hindi natin ipapatuli ang ating mga anak.

Leave A Reply

Your email address will not be published.