Abante Tonite Interactive

Usman tragedy sinisi sa kinorap na Bicol flood control project

297

Sinisi ni Vice President Leni Robredo sa palpak na flood control project kung kaya’t maraming lugar ang binaha sa Bicol Region sa pananalasa ng bagyong Usman.

Bukod sa pagbaha, maraming sibilyan din ang nasawi sa nasabing rehiyon na ayon kay Robredo ay maaari sanang maiwasan kung ipinatayo sa tamang lugar ang mga flood control project na nagkakahalaga ng multi-bilyong piso.

“Iyong nakakalungkot lang, itong mga, parang, expose ni Cong. Andaya, na pinapakita na maraming mga flood control projects na napunta doon sa mga lugar na hindi naman kailangan,” ani Robredo sa kanyang programa sa radyo.

Inakusahan ni House Majority Leader at Camarines Sur Rep. Rolando Andaya Jr. si Budget Secretary Benjamin Diokno na binuhusan ng bilyones na flood control project ang mga probinsyang hindi naman binabaha kabilang ang bayan ng balae nitong si Sorsogon Vice Governor Ester Hamor sa Casiguran, Sorsogon.