Abante Tonite Interactive

Uso ang double standard

28

Hindi lamang ang mga walang loyalidad ang nauuso ngayon sa ating mahal na bayang Pilipinas kundi maging ang mga double standard.

Ilang beses na itong napatunayan. Suriin na lang muna natin ang magkasunod na survey results ng Social Weather Station (SWS) at Pulse Asia.

Nang lumabas ang pinakahuling resulta ng SWS na bumagsak ang satisfaction at approval ratings ni Pangulong ­Rodrigo Duterte ay marami ang nagsabi na hindi sila naniniwala sa survey.

Sabi ng ilan, paano raw kakatawanin ng 1,500 na respondents ang 100 milyong Filipino?

May nagsabi pa na kung totoo ang survey, bakit hindi siya natanong kahit kelan?

Gayunman, nang luma­bas ang survey ng Pulse Asia na nagsasabing 80% ang approval ratings ni Pangulong Duterte ay sabi naman nila na accurate ang resultang ito.

Hindi na rin tinanong pa kung bakit 1,200 lamang ang respondents sa naturang pag-aaral.

Ilan din naman ang nagturing sa SWS survey result na dapat itong maging wake up call sa Duterte administration dahil ibig sabihin daw nito ay marami na ang nawawalan ng kumpiyansa sa Pangulo.

Subalit nang lumabas ang survey ng Pulse Asia ay nanahimik naman ang mga ito.

Nangangahulugan ito na ang mga taong ganito ang iniisip ay pinaniniwalaan lamang ang nais nilang paniwalaan.

Ibig sabihin, tinatanggap lamang ang mga nais nilang tanggapin depende sa kanilang pinaniniwalaang lider.

Kahit ang media ay nabibiktima ng pagiging double standard ng ilan. Lumabas ito sa naging hearing ng Senate Public Information and Mass Media kaugnay sa fake news.

Lumabas kasi sa hearing na hindi lamang ang main stream media ang nagiging source ng balita kundi maging ang mga bloggers. Kaya nga ‘di ba nais na ring bigyan ng akreditasyon ang mga bloggers?

Pero isyu ng pagkakamali, kasong libelo ang maaaring kaharapin ng mainstream media habang erratum at pag-delete lamang para sa bloggers.

Sana lamang, duma­ting pa rin ang araw na umiiral ang kritikal na pag-iisip para sa lahat para na rin sa pagtutulungan sa ika-uunlad ng bayan.