Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Uso ang ubo’t sipon

0 180

Dahil malamig ang panahon, usung-uso ang ubo, sipon at trangkaso.

Ang hirap ng sitwasyon lalo na ngayong hindi pa tapos ang laban sa Covid-19 pandemic. Kasama pa naman ang ubo’t sipon, pati na trangkaso sa mga sintomas ng Covid-19.

Kaya kahit parang sirang plaka na, hindi pa rin nagkukulang sa paalala ang Department of Health sa publiko. Una, panatilihing malakas ang immune system sa pamamagitan ng healthy lifestyle. Higit itong importante ngayong may pandemya.

Para magkaroon ng malakas na pangangatawan, matulog nang maaga. Iwasang magpuyat. Umiwas din sa pagyoyosi at pag-inom ng alak. Kumain ng masusustansiyang pagkain gaya ng prutas at gulay. Mahalaga ring uminom nang hanggang walong basong tubig kada araw. Ayon sa ilang health experts, malaki ang maitutulong ng water therapy para manatiling malusog ang isang tao.

Panatilihing malinis ang katawan. Maligo araw-araw. Kung maaari, hanggang dalawa o tatlong beses na maligo para maginhawa ang pakiramdam. Lagi ring tandaan na importanteng nakatakip ang bibig at ilong tuwing uubo at babahing. Huwag kaliligtaang magsuot ng face mask at face shield lalo na kung lalabas ng bahay. Ugaliin ding sundin ang isang metrong physical distancing. Lagi ring mag-disinfect ng mga kamay. Huwag basta hawakan ang mukha.

Bawal pa rin naman ang mass gathering. Hangga’t maaari, umiwas sa matataong lugar na posibleng pagmulan ng viral infection.

Importanteng magsuot ng mga damit na akma sa panahon. Dahil malamig, angkop lang na magsuot ng longsleeves, jacket at iba pang damit na panlaban sa ginaw. Malaki rin ang maitutulong nito lalo pa’t dumarami ang kaso ng dengue.

Mainam na magpatingin agad sa espesyalista kapag may ubo’t sipon at kung ‘on and off’ ang lagnat. Importanteng agad ma-test kung infected ng Covid-19 virus o hindi para maiwasan ang hawaan sa loob ng bahay.

Ang sa akin lang, panatilihing malusog ang katawan lalo na ngayong hindi pa tapos ang laban ng buong mundo sa Covid-19 pandemic. Higit na kailangang palakasin ang immune system para may panlaban sa viral infection.

Leave A Reply

Your email address will not be published.