Abante Tonite Interactive

Uso pa ba ang pamahiin?

By
1,131

Naniniwala ka ba sa mga pamahiin? Ito ay mga paniniwala ng mga matatanda na nagsimula pa sa panahon ng ating mga kanunu-nunuan. May mga pamahiin na may kaakibat na kalungkutan, may magdadala sa atin sa suwerte at kamalasan meron din namang makapagpapasaya.

Ang mga Pilipino ay mahilig sa mga pamahiin. Pinaniniwalaan natin ito bilang pagsunod sa mga nakatatanda at kung minsan naman ay dahil na rin sa sa­rili nating kagustuhan. May mga pamahiin tayo kaugnay ng kasal, libing, buntis, pag­lilipat bahay, binyag, bagong taon, pasko, biyernes santo, kaa­rawan at marami pang iba kaugnay naman sa pang araw-araw nating buhay.

Unahin natin ang mg pamahiin na may kina­laman sa mga patay. Ba­wal daw patakan ng luha ang kabaong ng namatay dahil hindi matatahimik ang kaluluwa ng namatay. Kapag may nakaburol, bawal ang magwalis, bawal lumapit ang may sugat, bawal magsuklay, bawal maligo, bawal nakawan o kupitan ang abuloy, bawal mauntog ang kabaong kung ipapasok at ilalabas na ng bahay, ba­wal magdala ng pagkain na galing sa patay, bawal magkatay ng manok. Ilan lang iyan sa napakarami na­ting pamahiin tuwing may patay.

Bukod sa mga hindi dapat gawin ay meron din naman na mga dapat gawin kapag may nakaburol sa atin tulad ng magsiga sa harap ng bahay ng namatayan para matulungan ang kaluluwa nito paakyat sa langit. Dapat magsaboy ng asin o bigas para maitaboy ang masamang espiritu na umaali-aligid sa patay. Kailangan ihakbang ang mga bata sa kabaong ng namatay bago ito ilibing upang hindi balik-balikan ng kaluluwa ng yumao.

Ang paglalagay ng sisiw sa ibabaw ng kabaong kung ang namatay ay namatay sa krimen na hindi pa nabibigyang katarungan.

Ganoon din kapag ikakasal. Marami ring mga nakakabit na pamahiin. Pinakasikat ang bawal na pagsusukat ng wedding gown ng isang bride. Hindi raw matutuloy ang kasal. Ba­wal ang magbyahe ng malayo kapag malapit na ang petsa ng kasal. Bawal na bawal din ang sukob sa kasal.

Iyon yung magkapatid na ikakasal sa iisang taon. Hindi rin pinapaboran ang kasal sa araw ng Biyernes. May mga nakakatuwa ring pamahiin kaakibat nito tulad ng paghahagis ng bulaklak ng bride, ang makakasalo nito ang siya raw susunod na ikakasal. Buwenas naman ang pagrere­galo ng arinola sa bagong kasal. Kasaganahan ang dalang pangako nito.

Sa mga buntis naman, kapag kumain daw ng kambal na sa­ging ay magiging kambal din ang anak. Ang punong kahoy na nawalan ng bunga ay pinag­lilihian daw ng isang buntis. Kung hahakbangan ng buntis ang kanyang asawa ito ang siyang maglilihi at hindi ang babae.

Ang bisita ng buntis ay hindi dapat bumibitin o tumatambay sa pintuan dahil mahihirapan ma­nganak ang buntis. Ba­wal ang magpagawa ng bahay dahil makukunan ang buntis. Masama rin sa buntis ang maupo sa hagdan. Kapag gwapo o maganda ang pinag­lihian ng buntis ay magiging kamukha nito ang anak, kapag pangit ay pangit din ang magiging hitsura ng anak.

Hanggang sa ngayon ay pa­tuloy pa ring pinaniniwalaan ang mga pamahiin subalit may mga kabataan na hindi na rin sumusunod dito at wala naman daw nangyayaring masama tulad ng sinasabi sa mga pamahiin. May mga pamahiin rin na nagkatotoo. Anupaman ang kahinatnan ng ating buhay ito ay nakadepende pa rin sa atin. Manalig tayo sa maykapal at maging mabuti sa lahat ng oras.