Abante Tonite Interactive

Usong sakit ngayong taglamig

By
0 132

Unti-unti nang luma­lamig ang panahon kasabay ng papalapit na kapaskuhan. Pero ang simoy ng Paskong ito, sinasabayan pa ng pag-uulan. Kaya usung-uso na naman ang mga influenza-like diseases gaya ng ubo, sipon, at trangkaso.

Kaya kahit parang sirang plaka na, hindi pa rin nagkukulang sa paalala ang Department of Health (DOH) sa publiko. Una, panatilihing malakas ang immune system sa pamamagitan ng healthy lifestyle.

Para magkaroon ng malakas na pangangatawan, matulog nang maaga. Iwasang magpuyat. Umiwas sa panini­garilyo at pag-inom ng alak. Kumain ng masusustansiyang pagkain gaya ng prutas at gulay.

Panatilihing malinis­ ang katawan. Maligo araw-araw. Kung maaari, hanggang dalawa o tatlong beses na maligo para maginhawa ang pakiramdam. Lagi ring tandaan na importanteng nakatakip ang bibig at ilong tuwing uubo at babahing.
Umiwas sa matataong lugar na posibleng pagmulan ng viral infection.

Importanteng magsuot ng mga damit na akma sa panahon.

Ngayong nag-uulan, huwag kalimutang magdala ng mga panangga gaya ng payong, kapote at bota. Iwasang magpaulan para hindi dapuan ng sakit.

Huwag ding lulusong sa baha para makaiwas sa leptospirosis. Isa itong sakit na nakukuha mula sa ihi ng daga na humahalo sa tubig-baha o putik.

All-year round ang sakit na dengue pero mas dumadami raw ang kaso nito tuwing may pag-uulan. Mainam na magpatingin agad sa espesya­lista kapag ‘on and off’ ang lagnat. Sintomas din ng dengue ang sakit ng ulo, pananakit ng katawan o kalamnan, at mga pantal. May iba ring kaso na dumudugo ang ilong o gilagid kapag nawala ang lagnat.

Nagbabala rin ang DOH laban sa waterborne diseases ngayong tag-ulan. Isa na rito ang diarrhea o pagdudumi na maaring makuha sa pag-inom ng maruming tubig. 

Babala ng mga medical expert, hindi dapat ito binabalewala. Posible kasi itong magdulot ng dehydration.

Maiging magpakonsulta agad sa doktor kapag nakaranas ng pagdudumi upang masuri ang dahilan nito. Para makasiguro, maaaring pakuluan muna ang tubig bago inumin.

Ang sa akin lang, pana­tilihing malusog ang katawan lalo na ngayong malamig ang panahon at tuloy-tuloy ang pag-uulan para healthy at merry ang iyong Christmas.