Abante Tonite Interactive

UST kinuyog sa ‘enrollment conforme’

2,676

Umani ng batikos ang University of Sto. Tomas (UST) kahapon makaraang mag-trending sa Twitter ang kopya ng ‘enrollment conforme’, isang dokumento na kailangang pirmahan ng isang estudyante bago mag-enroll sa nasabing unibersidad.

Ipinagbabawal sa nasabing dokumento ang anumang ‘unchristian behavior’ gaya ng premarital sex, pakikiapid, LGBT relationship, pagsama sa mga rally at anumang pagtutol sa mga itinuturo ng unibersidad at paniniwala ng Simbahang Katoliko.

Isang Twitter user na si Ferdinand Jomilla Jr. (AngryFerds) ang nag-tweet ng kopya ng ‘enrollment conforme’ na nai-retweet nang mahigit sa 3,000 ulit habang isinusulat ang balitang ito.

Sa kanyang mensahe sa Coconut Manila, sinabi ni Jomilla na ang nasabing dokumento ay ipinadala sa kanya ng isang incoming UST student na kanyang nakumpirma at nakausap sa Facebook Messenger.

Pinapipirma umano ang bawat estudyante sa nasabing dokumento bago mag-enroll at sinumang hindi susunod o lalabag ay parurusahan sa pamamagitan ng ‘non-readmission, exclusion, or expulsion’.

Nadismaya ang maraming netizen sa nasabing patakaran ng UST bukod pa sa paghawak sa isyu ng estudyanteng si Kyle Viray na pinarusahan lamang ng community service makaraang manakit ng kanyang girlfriend.
Ang UST ang pinakamatandang unibersidad sa Asya.