Abante Tonite Interactive

UST sasandal kay Galanza vs Ateneo

365

Sa pangunguna ni setter Mafe Galanza, ‘A’ game ang ihaharap ng University of Santo Tomas Golden Tigresses sa nangungunang Ateneo de Manila University Lady Eagles sa pagsisimula ng UAAP season 81 women’s indoor volleyball tournament 2nd round elims Miyerkoles ng hapon sa Filoil Flying V Centre sa San Juan City.

Pipiliting patiklupin ng kasalo sa segundang UST (5-2) ang league-leading AdMU (6-1) sa main game bandang alas-kuwatro ng hapon matapos ang salpukan ng nasa ikaanim na National University (2-5) kabuhol sa pampitong University of the East Lady warriors (1-6) at NU sa first game sa alas-dos.

Wagi ang España-based volleybelles laban sa UE noong Marso 17, 25-18, 25-14, 25-20, na rito’y nagpakilala si Galanza, utol ni dating Adamson University Lady Falcon Jessica Margarett ‘Gema’ Galanza.
Ayon kay USTe coach Emilio ‘Kungfu’ Reyes, Jr., malaking role ang gagampanan ng nakababatang Galanza.

“Nilalagay niya ‘yung most comfortable position ng spiker, para makapalo nang maayos. So ‘yun ang pinakamagandang trabaho ng setter, nilalagay niya sa pinakamataas na percentage ang spiker niya para umatake. Nasa kanya ‘yung criteria eh,” litanya ni Reyes.

“Sa definition ng setter, siya na ‘yun, si Mafe na,” wakas ni Reyes.

Tuloy naman ang pamiminsala ng mga Atenista nang masungkit nito ang pang-anim na panalo Marso 16 laban sa NU 23-25, 25-17, 25-23, 25-17.
(Janiel Abby Toralba)