Abante Tonite Interactive

Utak, gunman sa misis ng ex-vice mayor nadakma

570

Hawak na ng mga awtoridad ang umano’y mastermind at gunman sa pagpaslang sa asawa ng dating Santo Tomas, Batangas vice mayor na ang bangkay ay natagpuan sa Lipa City noong nakaraang linggo.

Sinampahan na ng kaso ang mga suspek na kinilalang sina Joan Zara Ramos alyas Jei; Florina Malolos Ramos, na kapwa naaresto sa kanilang tirahan at ang sinasabing gunman na si Jerry Rabano y Albitos na kusang-loob na sumuko sa Brgy. Cabatang, Tiaong, Quezon.

Ayon kay Calabarzon Police Regional Office 4A Regional Director Chief Supt. Edward Carranza, ang mga ito ay nagsabwatan umano upang patayin ang biktimang si Edelina Ramos y Tolentino, 55, na ang bangkay ay natagpuan sa gilid ng kalsada sa Brgy. Halang, Lipa City noong Hunyo 3.

Ang biktima ay asawa ni dating Santo Tomas vice mayor Ferdinand Ramos y Malolos na pinagbabaril at napatay ng mga hindi nakilalang salarin noong Hulyo 14, 2018. (Ronilo Dagos)