Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Utak sa BDO hacking kinasuhan na

0 167

Opisyal nang isinampa ng National Bureau of Investigation (NBI) sa Department of Justice (DOJ) ang dalawang Nigerian national na kabilang sa limang naaresto sa naganap na BDO hacking noong Disyembre 2021.

Nabatid na sina Ifesinachi Fountain Anaekwe alyas Daddy Champ at Chukwuemeka Peter Nwadi ay sinampahan ng kasong Trafficking in Unauthorized Access Devices ng RA 8484 o Access Devices Regulation Act of 1998.

Habang si Jherom Anthony Taupa ay sinampahan ng Misuse of Devices sa RA 10175 o Cybercrime Prevention Act of 2012.

Habang patuloy pa rin ang imbestigasyon laban kina Ronelyn Panaligan at Clay Revillosa na sangkot din sa ‘Mark Nagoyo Heist Group’, ang grupong responsable sa pag-hack ng mga bank account ng may 700 customer ng BDO.

Una nang naaresto sina Anaekwe at Nwadi sa entrapment operation ng mga operatiba ng NBI-Cybercrime Division (NBI-CCD) sa Mabalacat, Pampanga noong Enero 18, 2022 matapos ang impormasyong ibinigay ng isang impormante na nakatransaksiyon ng mga suspek na pinaniniwalaang lider ng Mark Nagoyo group.

SM food to go Banner Ad

Ayon sa impormante, ang mga nabanggit na indibidwal ay sangkot sa negosyo na nagkakaloob ng access devices sa sinumang naghahanap ng options para mai-cash out ang pondong nakuha sa madayang paraan.

Ang naturang access devices ay makakapasok sa mga bank account, crypto wallet, o maging sa point-of-sale terminal.

Isang Mark Froilan ang tumawag sa impormante kaugnay sa mga money cash out at kalaunan ay kinontak si Daddy Champ na nagsabi sa impormante na kaya niyang magkaloob ng tatlong iba’t ibang account para mailipat ang tig-P10 milyon na ang tinutukoy ay ang BDO funds na nakuha ni Mark Froilan.

Habang si Taupa naman ay naaresto ng NBI-CCD sa buy-bust operation noon ding Enero 18 sa Floridablanca, Pampanga dahil sa pagbebenta ng ‘scampage’ o phishing website, partikular na ang imitasyon ng GCash webpage, sa halagang P2,000. (Juliet de Loza-Cudia)

Leave A Reply

Your email address will not be published.