Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Utang na loob natin sa Diyos ang lahat!

0 185

Isang pagninilay tungkol sa hustisya ang Ebanghelyo ngayong Ika-25 Linggo sa karaniwang panahon (Mt 20: 1-16). Ang mga kataga ni Hesus na mauuna ang huli at mahuhuli ang una, ay patunay na iba ang ‘pagpapahalaga’ ng Diyos sa tao.

Sa Mabuting Balita binibigyang diin ang katotohanan na pantay ang pagtingin ng Diyos sa lahat, bagama’t kadalasan iniisip natin na mas pinagpala ang iba sa atin. Hamon ang Ebanghelyo ngayong araw sa mga mainggitin sa kapwa.

Kwento ni Hesus, may mga tinawag nang maagang-maaga para magtrabaho. May mga tinawag ang mag-iikasiyam ng umaga, may-iikalabindalawa ng tanghali, mag-iikatlo, at mag-iikalima ng hapon. Ngunit bawat isa ay tumanggap ng parehong sweldo.

Sa talinhaga ng Panginoon, malinaw na iba ang pamamaraan ng Diyos, iba ang pananaw ng Poon sa karaniwang tao. Sa Ebanghelyo, giit ng may-ari sa mga umangal na wala siyang nilabag sa usaping pagpapasuweldo. Sinunod lang niya ang usapan.

Ani ni Pope Francis, “God wants everyone to work in for his Kingdom. There is plenty of work for everyone, and the rewards of working for him are far greater than we deserve. In the end, he wants to give us the same reward, ie. salvation, eternal life!”

Ibang-iba ani Lolo Kiko ang habag ng Diyos sa hustisya ng tao. Ipinapaalala sa atin ni HesuKristo na sa totoo, hindi kailangan ng Diyos ang tao ngunit sa Kanyang awa tinawag niya ang lahat upang tanggapin ang Kanyang handog na kaligtasan.

Paliwanag ng Simahan, ang kabutihan ng Diyos ay mababanaag sa kanyang habag. Alam ng Diyos na wala tayong matatakbuhan kaya’t siya na ang lumalapit sa atin bunsod ng awa. Utang na loob natin sa Diyos na nagmamalasakit ang lahat!

Di man natin tanto, pantay-patay ang pagtingin sa atin ng Poon. Mayroon ang iba na wala ka, at meron ka naman na wala ang iba. Wala tayo anumang basehan para umangal sanhi ng inggit sa sa iba. Paanyaya sa pagsusuri ng talinhaga ni Kristo.

Sa huli, ang angkop na tugon sa kabutihang loob ng Diyos ay pagpapasalamat sa kung anong meron tayo mula sa Kanya. Dahil napakabuti at lubos na mapagbigay ang Diyos, hindi ba’t dapat rin tayong maging bukas-loob sa kapwa upang tayo’y mas pagpalain?

Leave A Reply

Your email address will not be published.