Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Utang ng namayapang magulang ‘di mapapasa sa mga anak

0 171

Hello po attorney,

Paano po kaya kapag yung nangutang po ay pumanaw na pero yung mga anak pa din po yung sinisingil kahit na bago po mamatay ‘yung mother po naming nangutang ay wala naman pong kahit na anong kasunduan.

Ipinilit na lang po nilang gawan ng panibagong kasunduan sa aming mga anak kahit na hindi naman kami yung talagang nangutang. Magiging valid po ba yung kasulatan kahit na hindi naman aware yung nangutang sa kasunduan kase namatay na? Ang kasulatan ay may nakasulat na “napagkasunduan ng mga anak na. ” Ngunit ipinilit lamang pong ipapirma sa isa po naming kapatid at hindi po namin na lalaman ang nangyareng pagpirma ng aking kapatid. Sana po ay matulungan niyo po kami.

Salamat po.
Kind regards,
Jocelyn

Ms. Jocelyn,
Ang utang ng namatay ay hindi namamana ng asawa o anak kaya’t wala silang obligasyon na bayaran mula sa kanilang sariling pera ang utang na naiwan ng namatay na kamag-anak. Kung may naiwang ari-arian ang ang namatay na may utang ay sa naiwang estate o ari arian dapat kunin ang bayad sa naiwang utang. Kung walang naiwang ari–arian ay wala ng masisingil pa ang nagpautang maliban lamang ay kung sa pagkakautang na iyon ay nakinabang ang pamilya, halimbawa ay ginamit sa isang negosyo na ang nakikinabang naman ay ang pamilya.

Kung hindi kayo pumirma sa pagkakautang kagaya ng sinabi mo ay hindi kayo ma-oobliga na magbayad sa utang ng namatay pero dahil pumasok kayo sa kontrata na kayo ang magbabayad sa lahat ng utang ay maituturing iyan na batas sa pagitan ninyo na dapat ninyong tuparin. Hindi ko alam ang nilalaman ng dokumento pero kung pumayag ang kapatid mo na magbayad sa utang ng namatay ay magiging liability na niya ito maliban lang kung pumirma siya dahil sa pananakot ng nagpapirma pero dapat itong patunayan para mabale-wala ang kanyang pinirmahang kontrata. Ngunit hindi obligado ang mga “hindi nakapirma” sa nasabing kasulatan dahil wala kayong pagpayag rito.

Kung may katanungan pa ay tumawag lamang sa 8922 0245 o mag-email sa attorneyclaire@gmail.com. Please subscribe to my youtube channel Batas with Atty. Claire Castro. Subaybayin din po ninyo ang Asintado sa Abante News Online (Facebook) tuwing Lunes, Miyerkules, at Biyernes sa ganap na 5:00 PM kung saan maaari kayong dumulog para sa inyong problema at mabigyan ng tugon sa abot ng aming makakaya.

Leave A Reply

Your email address will not be published.