Abante Tonite Interactive

Utol sinaksak habang tulog

292

Nalagay sa balag ng alanganin ang buhay ng isang 26-anyos na helper nang pagsasaksakin ito ng kanyang nakatatandang kapatid habang ang una ay mahimbing na natutulog sa Navotas City kamakalawa nang gabi.

Kinilala ang biktima na si Virgilio Villegas, taga-Block 4, Lot 19, Phase 2, Area 2, Site 8, Brgy. NBBS ng nasabing lungsod.

Nagtamo ito ng mga pasa sa mukha, mga saksak sa palad at tuhod mula sa kapatid na si Vherhell Villegas, 28.
Ayon sa pulisya, alas-10:00 ng gabi nang maganap ang pananaksak sa loob ng kanilang bahay.

Himbing umano sa pagkakatulog si Virgilio nang pasukin sa kuwarto ni Vherhell.

Pinagsasapak daw muna sa mukha ng suspek ang biktima kaya naalimpungatan ito at napabalikwas.

Kasunod noo’y binunot ni Vherhell ang dalang patalim at sinaksak ang kapatid ngunit nasalag ito at sa mga pa­lad tumama ang patalim.

Sinipa ni Virgilio ang kuya ngunit nakailag ito kaya muli na namang siyang sinaksak at tinamaan sa tuhod.
Dahil sa ingay ay nagising ang mga kasamahan sa bahay na agad sinabayan ng pagtakas ng suspek.

Dumiretso sa police station si Virgilio at agad namang inaresto ng mga pulis si Vherhell.

Sinasabing nagkaroon ng alitan ang magkapatid subalit wala sa hinagap ng kanilang mga magulang na ha­hantong ito sa saksakan.