Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Utos ng hukom sa Dormitorio hazing: 6 PMA doc, kadete damputin

0 578

Inutos ng Baguio City Regional Trial Court (RTC) ang pag-aresto sa tatlong kadete ng Philippine Military Academy (PMA) at tatlong doktor nito na sangkot sa pagkamatay ni Cadet 4th Class Darwin Dormitorio nitong nakaraang taon.

Ayon kay Baguio City Police chief Col. Aallen Rae Co, naglabas na ng arrest warrant si Judge Maria Ligaya Itliong-Rivera ng Baguio City RTC First Judicial Region Branch 5 laban sa mga kadeteng sina Shalimar Imperial Jr. at Felix Lumbag Jr. para sa kasong hazing at murder, gayundin kay 3rd Class Cadet Julius Carlo Tadena para sa kasong hazing at less serious physical injuries.

Ang mga nasabing kadete ay kasalukuyang nasa kustodiya ng Armed Forces of the Philippines (AFP) general headquarters, ayon pa kay Co.

Bukod sa tatlong kadete, naglabas din ang hukuman ng arrest warrant laban sa tatlong PMA station hospital doctor na pinangunahan ng hepe nito na si Lt. Col. Ceasar Candelaria at mga medical officer na sina Capt. Flor Apple Apostol at Major Maria Ofelia Beloy na kinasuhan din dahil sa kapabayaan na mabigyan ng kaukulang medical care si Dormitorio dahilan para mamatay ito.

Base sa nakasaad sa tatlong pahinang arrest warrant na inilabas ng korte noong Hulyo 7, 2020, maaaring magpiyansa ng halagang P200,000 kada isa ang mga military doctor na sina Candelaria, Apostol at Beloy para sa kanilang pansamantalang kalayaan.

Wala namang itinakdang piyansa ang korte sa mga kadeteng sina Imperial, Lumbag, at Tadena. (Edwin Balasa)

Leave A Reply

Your email address will not be published.