Abante Tonite Interactive

Utos ng Parañaque court: Arestuhin si Okada

297

Ipinag-utos ng isang regio­nal trial court (RTC) sa Parañaque na arestuhin ang Japanese ­gaming tycoon na si Kazuo Okada at isa pang kababayan nito na kapwa akusado sa kasong estafa na may kinalaman sa paglustay diumano sa higit $3 milyong pondo ng Okada Manila.

Base sa warrant of arrest na inilabas ng sala ni Judge Rolando G. How ng Parañaque RTC Branch 257 na may petsang Enero 4, 2019, iniutos nito sa sinumang ‘officer of the law’ na arestuhin si Okada at kapwa nito akusado na si Takahiro Usui.

Inisyu ang warrant of arrest ­laban sa dalawa para sa kasong estafa pero itinakda rin ng korte na maaaring magpiyansa ang mga akusado ng halagang P120,000 bawat isa para sa pansamantala nilang kalayaan.

Nakasaad pa sa kautusan ng korte na binigyan ng kopya ng warrant of arrest ang mga station commander ng Makati City at Taguig City para ipatupad ito.
May kopya rin nito ang Natio­nal Bureau of Investigation (NBI), ang tanggapan ni PNP Director General Oscar Albayalde at PNP Criminal Investigation and Detection Group (CIDG).

Una nang kinasuhan ang da­lawang akusado ng prosecutor ng Department of Justice (DOJ) sa tatlong estafa.

Sa tatlong magkakahiwalay na criminal information na isinampa ng mga DOJ prosecutor noong ­Disyembre 28, inakusahan sina Okada at Usui ng “conspiring, confederating and mutually helping one another” sa iligal na paggastos umano sa pondo ng Okada Manila sa pagitan ng Nobyembre 2016 at Mayo 2017.