Abante Tonite Interactive

Valdez, Galanza, Creamline kampeon

187

Kinumpleto nina Alyssa Valdez, Jema ­Galanza at Creamline Cool Smashers ang pambihirang conference sweep ng Premier Volleyball League Open Conference sa pagwalis sa PetroGazz, 29-27, 25-22, 27-25, sa Game 2 ng best-of-three championship series kagabi sa FilOil Flying V Centre sa Juan City.

Namuno sina confe­rence MVP Galanza at Valdez sa 20-0 record ng Cool Smashers sa buong torneo.

Humataw si Valdez ng game-high 18 points sa likod ng 16 attacks, 1 block at 1 service ace upang pabagsakin ang PetroGazz sa dikdikan bakbakan nila sa 3rd set.

Hindi rin nagpahuli sa opensiba ang former ­Adamson star na si Galanza nang umambag ng 16 points, habang umagapay rin sa produksyon sina Risa Sato, Michele Gumabao at Celine Domingo matapos pumalo sila ng tig-6 points.

Inasahan naman ni Creamline head coach Tai Bundit si Kyla Atienza sa floor defense matapos lumista ng 22 excellent digs habang toka naman sa pagpapadala ng bola si Jia Morado na gumawa ng 24 excellent sets.

Nasa kamay na ng PetroGazz Angels ang ikatlong set dahil sa hawak na kalamangan ngunit nagbago ang ihip ng hangin nang inararo ni volleyball phenom ­Valdez ang laro ­matapos ­gumawa ng tatlong ­sunod na spikes na nagbigay sa kanila ng 6-2 run.

Malaking puntos naman ang ginawang sunod-sunod na palo ni Galanza na nagdeliber ng 5 atacks tungong endgame.

Samantala, hindi naman umubra ang 11 points ni Jovielyn Grace Prado upang pahabain pa sana ang serye sa do-or-die Game 3. (Aivan Episcope)