Abante Tonite Interactive

Valentine’s Day gastos nga lang ba?

309

Sa tuwing sasapit ang Pebrero ay inaabangan ng maraming Pilipino ang Valentine’s Day dahil isa ito sa ipinagdiriwang ng mga magkasintahan, mag-asawang patuloy na nagmamahalan pati na ang mga nakikihati sa pagmamahal.

Gaya ng dapat asahan, sari-saring gimik na naman ang nababasa sa social media at mga pahayagan at mga naririnig at napapanood sa radyo at telebisyon kung paano ipagdiwang ang Araw ng mga Puso.

May espesyal na dinner, concerts, pati na rin ang taunang Junior at Senior’s Prom na talaga namang pinaghahandaan at ginagastusan kada taon.
Bukod pa riyan ang mga bulaklak, tsokolate, huggable teddy bear at kung ano-ano pang paraan para mapasaya ang kani-kanilang partner.

Ang selebrasyon ng mga Pilipino sa Valentine’s Day ay nakadepende sa kakayanan ng bulsa ng mga ito.

Para sa simpleng Pinoy, dinner sa restaurant o kaya ay kainan sa mall, para sa mga estudyante, isa o tatlong piraso ng rosas na may kasamang tsokalate ay puno na ng kilig ang isang magkasintahan.

Para naman sa mga bigtime, siyempre gagawin ang selebrasyon sa mamahaling hotel o kaya sa mga pribadong lugar o yate.

Pero sa mga part-time lover, alam na kung saan pupunta para iselebra ang Araw ng mga Puso.

Sa katunayan, isa sa laman ng mga balita sa tuwing Araw ng mga Puso ay ang mga motel na madalas ginagawang panandaliang tirahan ng mga nagdiriwang nito na talaga namang blockbuster sa haba ng pila at may waiting pa!

Kung tutuusin, puwede namang ipagdiwang ang Valentine’s Day ng hindi kaila­ngang gasgasin ang bulsa o butasin ang wallet at sa halip ay gawin ito sa paraang hindi maapektuhan ang budget.

Pero dahil nakasana­yan na ng mga Pilipino, sinamantala na rin ng mga negos­yante ito para kumita at dumoble ang kita sa pamamagitan ng mga paraan para maakit ng customers.

Hindi ko po binabasag ang trip ng mga nais magdiwang ng Valentine’s Day, simpleng obserbasyon lamang ito dahil sa mga panahong ito, nangi­ngibabaw na ang kaway ng pera kaysa sa tunay na nararamdaman ng isang tunay na nagmamahal.