Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Valentine’s day sa panahon ng pandemya

0 77

Likas na sa mga Pinoy ang mag-celebrate tuwing sumasapit ang Valentine’s Day pero tiyak na may bahagyang pagkakaiba ngayong panahon ng pandemya dahil sa mga umiiral na health protocol.

Pero kung tutuusin, Pebrero noong nakalipas na taon ay nagsimula nang naghigpit ang gobyerno dahil sa problema sa COVID-19 kaya may mga konting pagbabago na noon sa selebrasyon ng araw ng mga puso.

Pero mas mahigpit ngayon dahil hindi pa ganap na bukas ang mga restaurant at hotels na nakagawiang pagdausan ng selebrasyon ng mga pamilya at mga mag-sing irog at limitado lamang ang mga pinapayagang makapag-lunch or dinner.

Pero ito ang mas malupit , walang operasyon ang mga motel na patok na patok at pinipilahan pa sa mga nakalipas na Valentine’s Day kaya malabong maka-strike ng homerun ang mga mag-parters na naghahangad magkaroon ng “intimate time”. Ika nga, walang kaganapan!

Bukod dito, tiyak marami sa mga Pinoy ang gumagawa ngayon ng diskarte dahil sa epekto ng pandemya kaya apektado rin ang kanilang bulsa para sa Valentine’s Day.

Bukod sa nakagawiang date tuwing araw ng mga puso ay may pa-bulaklak pa kasi itong si Romeo kay Juliet para ipakita at iparamdam ang pagmamahal pero ang problema, pati bulaklak na rosas o kaya sunflower ay nagmahal din ngayong panahong ito.

Ang lokal na rosas sa Dangwa o kaya sa Farmer’s market ay isang daang piso kada piraso, P350 kapag tatlo kasama na ang magandang balot para espesyal, at mas mahal kapag imported na rosas.

Ang mga bulaklak ay kasing-mahal na ng presyo ng karne ng baboy sa mga palengke kaya nasa magkasintahan na kung alin ang uunahin–ang kalam ng sikmura o ang kapritso ng pagmamahal.

SM food to go Banner Ad

Para sa mga gipit sa budget, idinaan na lamang sa biro ang pagdiriwang ng araw ng mga puso kaya imbes na kumpol ng bulaklak na rosas, chicharong bulaklak na lang daw para mas mabusog .

Ang dami ring naglabasang memes sa social media ng mga paraan para makatipid ngayong Valentine’s Day, tulad na lamang ng mga boquet ng gulay sa halip na boquet ng rosas na sumisimbolo sa sitwasyon ngayong COVID pandemic.

Pero para sa mga may pera at nakakaluwag talaga, walang problema ang gastos basta ang importante ay makapag-celebrate kasama ang mga minamahal dahil minsan lang naman ito sa isang taon.

Para sa kanila, may pandemya o wala, tuloy ang araw ng mga puso para ipakita at iparamdam ang kanilang pagmamahal.

Ano man ang estado sa buhay, mahirap man o mayaman ay naging bahagi na ng mga Pinoy ang pagselebra ng Valentine’s Day, maging ito man ay simple o magarbong paraan bilang tanda ng pagmamahal sa isa’t isa.

Kaya ngayong araw ng mga puso, binabati ko ang lahat ng mga nagmamahalan, tuloy ang buhay kahit hindi pa rin natatapos ang matinding hamon sa buhay ng bawat Pilipino ang COVID pandemic.

P.S. binabati ko rin ang mga nagmamahalan tulad ng baboy, manok, isda, gulay, pati na ang bill sa kuryente!
Laban lang tayo!

Leave A Reply

Your email address will not be published.