Abante Tonite Interactive

Valenzuela City magsasagawa ng libreng mass testing

572

Lumagda sa memorandum of agreement (MOA) ang Valenzuela City at The Medical City (TMC) para sa unang public-private partnership ng isasagawang mass testing upang malabanan ang paglaganap ng coronavirus disease 2019 (COVID-19).

Batay sa kasunduan, babalikatin ng pamahalaang lungsod ang pagkuha ng mga Polymerase Chain Reaction (PCR) testing kit habang ang TMC ang magpoproseso sa mga resulta na ibibigay nang libre sa mga residente ng Valenzuela.

Ayon kay Mayor Rex Gatchalian, kailangan pang maghintay ng ilang araw habang inaabangan ng TMC ang certification mula sa Research Institute of Tropical Medicine (RITM) para sa Stage 5 accreditation nito.

Samantala, isang 41-anyos na babae ang nagpositbo sa COVID-19 kaya’t umakyat na ang bilang ng apektado ng nasabing sakit sa Valenzuela City sa 13, ayon sa City Epidemiology and Surveillance Unit (CESU).

Si Patient VC13 ay nagkaroon ng exposure sa isa pang COVID-19 patient at nakaranas ng lagnat, sipon at kawalan ng ganang kumain. Isinailalim ito sa strict home quarantine, alinsunod sa mga panuntunan ng Department of Health.

Masusing sinusubaybayan ng Valenzuela CESU ang lahat ng mga bagong kaso ng COVID-19 sa kanilang lungsod at nagsasagawa ng contact tracing sa mga kilalang close contact ng mga may sakit.

Bukod sa RITM, tanging ang San Lazaro Hospital, UP Institute of Health at Lung Center of the Philippines lamang ang Stage 5-certified na ospital sa National Capital Region.

“We understand that government hospitals are already loaded with COVID-19 patients, that is why we looked for a private hospital and we are gratified by the quick response of TMC to be our partner in this battle against this deadly virus. I know many will ask me about this testing kit. This is my advance answer to an advance question – it’s free for our residents,” ayon kay Mayor Gatchalian.

Sa sandaling bigyan ng sertipikasyon ng RITM, sinabi ni Gatchalian na maaari nang magsuri ng mga sample ang TMC. (Vick Aquino)

Tonite – Wendys Inhouse Ad