Abante Tonite Interactive

Values education, GMRC ibalik

0 169

May ‘clamor’ na muling ibalik ang va­lues education sa pagtuturo at buhayin ang Good Manners and Right Conduct o mas kilala natin sa tawag na GMRC sa curriculum ng Kindergarten to Grade 12.

Sa mga nakalipas na panahon, naging paiba-iba na ang pagtuturo ng values edu­cation. Naalala ko noon sa public school, bago magsimula ang klase, una munang ituturo ang GMRC sa loob ng 30 minuto pero araw-araw iyon.

Sa ngayon kasi parang hindi nabibigyan ng emphasis ang va­lues education, kasama na ang GMRC. Kasi nakatuon na lang sa mga traditional subject tulad ng Math, Science, English at iba pa.

Sa mga public school meron silang Edukasyon sa Pagpapakatao (EP) na itinuturo sa pinagsamang dalawang oras kada linggo kumpara sa English, Science, Math, Music, Arts, MAPEH at TLE na apat na oras ang inilalaan.

Sa ilang private school naman, tatlong beses kada linggo itinuturo ang va­lues education.

Mahalagang ma­bigyan ng emphasis ang values education dahil magbibigay ito ng tamang pag-asal ng ating kabataan at sila ang susunod na henerasyon na magdadala ng tamang asal na ito.

Sa Senado, seryoso sina Senador Win Gatchalian at Joel Villanueva na ibalik ang values education at GMRC.

Kung magiging batas, ito ay magbibigay ng institutiona­lization, ibig sabihin, kahit sino man na nakaupo diyan, magi­ging core fundamental na ang values edu­cation.

Sa ilalim ng panukala, magiging stand-alone subject ang GMRC, isang oras para sa elementary at sa high school ganoon din.

Pero sabi nga ni Sen. Gatchalian, ang kailangang magturo ng values education ay talagang certified na guro sa naturang subject para nga naman tama o maayos ang pagtuturo.

May pangyayari kasing iyong hindi mga teacher na hindi nagpe-perform doon nila nilalagay sa pagtuturo ng EP dahil sa tingin nila, ang va­lues education ay hindi naman masyadong mahalaga.

So ang nangyayari, malabnaw ang pagtuturo ng values edu­cation.

Kaya ang gusto mangyari nina Gatcha­lian at Villanueva, bigyan ng emphasis ang values education na katulad din ng mga traditional na subject. Hindi iyong para lang maituro o mairaos ika nga, eh ang mga magtuturo ay hindi na ta­laga eksperto sa values education.

Kaya nga tratuhin sana ang values edu­cation na katulad din ng tradisyunal na Math, Science at iba pang subject.

Kung maisasabatas ito, kakaibang GMRC na ang maituturo sa kabataan kasi sa panahon na tayo ng makabagong teknolohiya.

Iba na ang hene­rasyon, Generation Z na nga sabi nila, kaya malamang ibang approach ang gagawin para maging matagumpay ito.

***

Gusto ko lang pasalamatan ang HANABISHI sa mabilis nilang pag-aksiyon sa aking reklamo tungkol sa binili ko sa kanilang air-coo­ler na apat na buwan lang natengga sa accredited service center nila sa San Fernando, Pampanga.

Mismong ang mga personnel sa main service ng Hanabishi sa Bulacan ang kumuha ng defective na air-cooler at pagkalipas lang ng isang linggo ay nagawa na nila at sila pa mismo ang nag-deliver nito sa bahay namin.

Maraming salamat sa mabilis ninyong pag-aksiyon at sa mahusay ninyong serbisyo.
Mabuhay!