Abante Tonite Interactive

Vendor tinakot ang anak, manugang ni CJ Bersamin pinakulong

231

Inaresto ng mga pulis ang isang fish ball vendor matapos pagsisigawan at takutin ang misis ng anak ni Supreme Court (SC) Chief Justice Lucas Bersamin sa Makati City Sabado nang hapon.

Batay sa nakalap na report mula sa Makati City Police, nakilala ang suspek na si Conrado Bingco, 38-anyos, na kasalukuyang nakakulong sa naturang himpilan at nahaharap sa mga kasong unjust vexation at grave threat.

Nangyari ang insidente bandang alas-kuwatro Sabado nang hapon sa Malugay St., Brgy. Bel-Air, Makati habang papauwi na si Bianca Bersamin nang masalubong ang suspek na nagtitinda ng fish ball
Inalok umano siya ni Bingco na bumili ng fish ball pero hindi niya ito pinansin kaya nagparinig ang suspek na “Porke’t mayaman hindi ka na kakain ng fish ball”.

Narinig ito ng biktima at agad na kinompronta nito si Bingco na nauwi sa mainitang pagtatalo ng dalawa.
Hanggang sa duma­ting ang asawa ng biktima na si Lucas Bersamin Jr., isang doktor at anak ng Punong Mahistrado ng SC, at sinaklolohan nito ang misis.

Ayon kay Bersamin, nakita at narinig niya na pinagsisigawan ni Bingco ang kanyang asawa kaya agad siyang lumapit para malaman ang dahilan pero naging matigas umano ang suspek at bumunot pa ng kung anong bagay sa baywang nito kaya lumayo na lamang sila.

Sa takot ng mag-asawa ay umalis na lamang sila at nagtungo sa Makati City Police Station para ipaalam ang pananakot ng suspek sa kanila.

Sinabi naman ni Makati City Police deputy chief for operations Chief Inspector Gideon Ines na handa ang mag-asawang Bersamin na kasuhan at ipakulong ang suspek.

Nabatid na wala namang nakuhang patalim mula sa suspek at lumalabas na nananakot lamang ito na may dinudukot sa kanyang baywang.