Abante Tonite Interactive

Verbal transaction sa bentahan ng lupa

533

Atty. Claire Castro

Dear Attorney Claire,
Magandang araw po. Magtatanong lang po ako kung paano po ang gagawin sa titulo ng lupa na binenta sa lolo ko. Wala po kasing Deed of Sale.

Binenta po kasi sa lolo ko ‘yung lupa noong panahon pa po ng Amerikano at noong mga panahong iyon ay verbal lang po ang pagbebenta ayon sa tatay ko.

At ‘yung nagbenta po ng lupa ay matagal na pong namayapa at ayon po sa tatay ko ay isang matandang dalaga. Ganu’n din po ang lolo ko matagal na din pong namayapa.

Sa ngayon po ay gustong ibenta ng mga kapatid ng tatay ko yung lupa. Paano po ang gagawing hakbang para mabenta po yung lupa? Maraming salamat po.
Ronaldo

Mr. Ronaldo,
Ang verbal tran­saction ng bentahan ay hindi kinikilala at hindi maililipat ang karapatan at interes sa lupa hangga’t walang pagkilala mula sa may-ari o mga tagapagmana niya na nagkaroon talaga ng bilihan ng lupa noong nabubuhay pa ang mga tunay na may-ari.

Ang maaari mo lamang gawin ay hanapin mo ang mga kilala mong tagapagmana ng nagbenta sa lolo mo upang ma­kagawa ng isang extrajudicial settlement of estate with deed of sale pabor na sa inyong lolo.

Tandaan na upang magkaroon kahit na kaunting pagpapatunay na totoong nagkabentahan ay dapat na kayo ang nakaposisyon at nagbabayad ng amilyar mula ng nagkabentahan.

Kung mapapapayag ninyo ang mga kamag-anak na tagapagmana ng may-ari na gumawa ng Deed of Sale ay dapat bayaran ang estate tax pati na ang capital gains tax. At kapag naayos na iyan ay saka naman kayo magpapagawa ng extrajudicial settlement ng estate ng lolo mo pabor sa kanyang mga tapagmana… kayo iyon.

Sa ngayon ay wala akong nakikitang anumang paraan na maaari ninyong ili­pat ito sa pangalan ng tagapagmana ng lolo mo. Mas mainam na alamin sa lokal na pamahalaan, i.e. Assessor’s Office na may hawak o sakop sa lupa at alamin kung bayad ba ang amilyar at kung totoong nakapangalan ba ito sa nagbenta sa lolo mo.

Alamin din sa Re­gister of Deeds kung ito ba ay may titulo dahil lumalabas sa kuwento mo na kahit titulo ay wala ka­yong hawak. Mahirap mapatunayan ang bentahan kung wala kayong hawak na titulo, tax declaration at Deed of Sale. Magsimulang mag-imbestiga at kumpletuhin ang mga papeles na nagpapatunay na iyang lupa ay tunay na pag-aari ng nagbenta at tunay na may bentahan.

***
Kung may katanungan pa ay tumawag lamang sa 4107624/9220245 o mag-email sa attorneyclaire@gmail.com.