Abante Tonite Interactive

Veteran actress kinakausap ang sarili

1,114

tonite-no-thanks-cristy-ferminSa isang kilalang restaurant ay na­kita ng grupo ng aming source ang isang veteran actress. Hindi na ipagtatanong ang kanyang pangalan, napakagaling niyang aktres, puwede na siyang maglako ng tropeo sa dami ng kanyang parangal.

Napansin ng grupo na parang may kinakausap ang bete­ranang aktres, puwedeng sa telepono, dahil wala naman siyang katabi. Pero mali ang kanilang iniisip, walang kausap ang ve­teran actress, salita lang siya nang salita.

Kuwento ng aming source, “Maayos ang bihis niya, parang ga­ling siya sa isang party, pero hindi siya masyadong nakakain kaya tumuloy siya sa isang restaurant.

“Mag-isa lang siya, pero salita siya nang sa­lita. Bulong siya nang bulong. Akala nga ng mga kasama ko, e, may mine-memorize siyang script, pero wala naman siyang hawak na kahit ano!

“Ang akala naman ng isang kasama namin, e, nagdarasal siya, pero habang kumakain siya, e, salita pa rin siya nang salita. Naisip na lang namin na meron nga siguro siyang kinakabisadong script, kaya siya ganu’n,” simulang kuwento ng ­aming source.

Nu’ng kunin na ng beteranang aktres ang kanyang bill ay binusisi muna niyang mabuti kung anu-ano ang nakalagay para bayaran niya. Dalawang ulam, isang kanin, saka kape lang naman ang kanyang inorder pero parang hirap na hirap siyang basahin ang nakalagay sa babayaran niya.

Patuloy ng aming source, “Tinawag pa niya ang waiter, ipina-explain niya kung bakit mas malaki sa computation niya ang dapat niyang bayaran. Tax ‘yun, sabi ng waiter, talagang ganu’n ang kalakaran.

“Parang ayaw niyang bayaran ang tax, ipina­aalis niya ‘yun sa waiter, ang eksaktong presyo lang daw ng kinain niya ang babayaran niya. Hindi puwede, sabi ng waiter, kung ano ang nasa bill, ‘yun ang kailangang bayaran.

“Matagal pa bago siya kumuha ng pera sa wallet niya, bulong na naman siya nang bulong, galit na siya. Parang galit siya sa gobyerno, lahat na lang daw kasi, e, nilalag­yan ng buwis!

“Bago nga pala siya tumayo, e, ipinabalot pa niya ang tira-tirang food. Sarsa na lang ang nasa plate, saka konting kanin, pero ipinabalot pa rin niya.

“Ewan, pero parang nag-uulyanin na kaya siya? Hanggang sa makalabas siya sa restaurant, e, bulong pa rin siya nang bulong. Wala kaya siyang pamil­ya? Bakit pinababayaan nilang lumakad nang mag-isa ang veteran actress, nakakaawa naman siya,” napapailing na kuwento ng aming source.

Sakripisyo ni Coco nilagay sa alanganin

Nalagay sa kuwes­tiyonableng sitwasyon ang pro­duksiyon ng Ang Probinsiyano dahil sa inilabas na reklamo ni Dingdong Dantes sa kanyang FB. Kumpleto siya ng ebidensiya, ipinadala ng mga fan nila ni Ma­rian Rivera ang mga eksena sa serye kung saan ginamit ang retrato nilang mag-asawa, pati ang kay Zia sa binyag nito.

Nabasa namin ang mahabang saloobin ng aktor, walang ibang ti­nutukoy ‘yun kundi respeto, balido ang reklamo ni Dingdong Dantes na kailangang tugunan nang agaran ng art department ng Ang Probinsiyano.

Maitatago ba naman nila ‘yun? Alam ng mga tagasuporta ng mga artista pati ang butones ng isinuot na damit ng kanilang idolo. Kabisado nila ang lahat-lahat.

At makatuturan ang ipinahayag ni Dingdong na sa isang marespetong lipunan ay napakahalaga ng tinatawag na kortesiya sa anumang ginagawa natin.

Retrato nilang mag-anak ‘yun, pinalitan lang at dinoktor ang kanilang mga mukha, pero sila pa rin ‘yun. Menor de edad pa naman si Zia. Nakalantad ang mukha ng bata sa ginawang props ng Ang Probinsiyano.

Kahit sa departamento ng news ay tinatakpan ang mga mata ng menor de edad na ginagawang paksa sa pagbabalita. May karapatang magreklamo si Dingdong dahil hindi nagkaroon ng respeto at pasintabi ang serye sa paggamit ng kanilang mga larawan.

Kailangang magpa­liwanag ang art department ng Ang Probinsiyano sa isyung ito. Huwag sana nilang dagtaan ang estado ng kanilang serye na may pinakamataas na rating sa loob nang halos tatlong taon na ngayon.

Huwag nilang ilagay sa alanganin ang mga ginagawang pagsasakripisyo ni Coco Martin para sa mas ikagaganda pa ng ka­nilang serye. Halos magpakamatay na ang kanilang bida pero sa paggamit lang pala nila ng props na hindi pinag-isipan sila sa­­sabit.