Abante Tonite Interactive

Vice bumuwelta sa mga nanlait sa hurado ng ‘Idol PH’

900

RODEL FERNANDO: Hindi masasabing sobrang successful ang “Idol Philippines” ng Kapamilya Network. Ito na yata ang pinakamaraming lait na talent search program sa Pilipinas.

Bukod sa linggo-linggong naba-bash ang mga judges puwera kay Regine Velasquez ay hindi rin daw deserving ang mga pasok sa finalist ng naturang palabas. Kaya sabi ng iba ay nakakawalang gana itong panoorin.

Pero in fairness, may mga iba naman na pasok sa Top 12 na magagaling.

Masasabi mong performer talaga at keri ang kumanta. ‘Yung iba ay no comment na lang ako.

Malayo itong “Idol Philippines” sa “Philippine Idol” dati ng TV5. Mas credible kasi ang mga naging judges dito kumpara sa show ng Dos na wala pang karapatan ‘yung iba. Anyway, good luck na lang sa mga mananalo sa “Idol PH”!

MILDRED BACUD: I agree with you Rodel. Grabe nga ang pamba-bash sa mga judges ng “Idol Philippines” except for Regine Velasquez. Maging ang mga hurado dito ay aware kaya naman minsan ay hindi na rin nakatiis at bumuwelta na si Vice Ganda sa kanyang programang “It’s Showtime.”

Aniya, sa ibang bansa daw dyina-judge ang mga contestant base sa kanilang talento, dito sa Pilipinas sa’n ka daw nakakita na hindi lamang daw contestant ang magdya-judge, maging ang mga hurado ay hinuhusgahan ng manonood. Kasama din kasi siya sa mga hindi nagustuhan ng netizens at bagay lamang daw siya sa PGT. Mas marami at matitindi rin naman ang mga bash kina Moira at James Reid na anila ay hilaw pa para maging hurado.

Kaya naman nang ipakita ang teaser ng pagbabalik ng “The Voice Kids” kung saan balik sa pagiging hurado sina Lea Salonga, Bamboo at Sarah Geronimo ay naikumpara na naman. Ang mga katulad nila raw ang may K maging mentor at hurado.

ROMMEL PLACENTE: Bago pa man ipalabas ang “Idol Philippines” ng ABS-CBN, at ipakilala ang mga hurado rito na sina James, Moira, Vice at Regine, ay katakot-takot na nga agad ang panlalait na tinanggap ng show. Ayon sa mga netizen, mali nga raw ang Kapamilya network sa pagpili ng mga hurado. Tanging si Regine nga lang daw among them ang may karapatang maging judge ng nasabing talent search program. Pero hindi sila pinakinggan ng Dos. Hindi pa rin nito binago ang lineup ng kanilang mga hurado. Nu’ng nagsimula nang umere ang show, mas lalo itong nilait dahil kay Moira, na wala raw ka-energy-energy kung magsalita at magbigay ng judgment sa mga contestant.

Sa ganang amin, anong magagawa natin kung gano’n talaga magsalita si Moira na malumanay? For as long as alam naman niya ang ginagawa niya, na marunong naman siyang mag-judge, ‘di ba? Hindi naman siya kukunin ng Dos kung wala siyang karapatang maging hurado.

Pero sa napansin ko rin, na sa ganang akin lang naman, hindi ako masyadong impressed o nagagalingan sa ilang mga pumasok sa finals. Mas deserving sa tingin ko ‘yung ibang hindi napili. Pero who we are to judge the judges? Choice nila ‘yun, sa tingin nila deserving ang mga napili nila na makapasok sa finals, so be it. Irespeto na lang natin ang choice nila.

Baka sabihin pa nila, “O sige kayo na lang ang mag-judge.”

RONA AVECILLA: Agree na hindi ganoon kagaling ang mga hurado sa kanilang judgment sa mga contestant. Lalo na at may mga netizen ang nagsasabi na bumabase lamang ang ibang hurado sa pisikal na kaanyuan ng mga sumasali. ‘Yung tipong full-package na. Malayong-malayo ang format nito sa “The Voice Philippines” na tanging boses lamang muna ang pakikinggan ng mga hurado. Kaya mas ma-appreciate ang mga tunay na magagaling sa pag-awit.

Kaya unang na-bash ang mga hurado sa “Idol Philippines” dahil sa isang contestant na hindi napansin ang talento at kakaibang istilo sa pag-awit, gayong hindi naman daw ito kagwapuhan. Kung may itsura lang umano ito ay tiyak na mas mai-impress ang ibang hurado. Tanging si Regine lang talaga ang nakakapansin sa may mga tunay na talento.

Masusundan pa kaya ang “Idol Philippines” ng panibagong season? Kung mangyari man ay sana maging wais sila sa pagpili ng magiging hurado.