Abante Tonite Interactive

Vice mayor ng Masbate nilikida sa Manila

0 435

Nasawi ang Vice Mayor ng Batuan Ticao Island sa Masbate samantalang sugatan ang kanyang pamangkin at aide matapos pagbabarilin ng apat na suspek habang kumakain sa isang karinderya kahapon nang umaga sa may Vicente Cruz St., sa Sampaloc, Maynila.

Hindi na umabot ng buhay sa UST Hospital ang biktimang si Charlie Yuson III, 56, Vice Mayor ng Batuan, Masbate, Bicol dahil sa tama ng bala sa iba’t ibang bahagi ng katawan.

Inoperahan naman sa nabanggit na ospital si Alberto ‘Pao-Pao’ Yuson, pamangkin ng biktima, 23 at Alfredo Pineda, 44, equipment agent at taga-100 Heroes Del 96, Caloocan City.

Arestado naman ang apat na suspek na hindi muna pinangalanan pero ang isa ay taga-San Fernando, Ticao Island, Masbate at sinasabing nakatira sa isang resort na pag-aari umano ng isang mataas na opisyal ng gobyerno.
Sa panayam kay barangay Chairman Charlie Yuson Jr., kapatid ng biktima at chairman sa Brgy. 482 Zone 43, may limang araw na umano ang kanyang kapatid sa Maynila para bumili ng back hoe na gagamitin sa lalawigan.

Sa imbestigasyon ni PCMS. Jonathan Bautista, ng Manila Police District-homicide section, naganap umano ang insidente alas-8:45 nang umaga sa isang karinderya habang nag-aalmusal ang biktima kasama ang ilan niyang aide at pamangkin na si Pao-Pao.

Naaresto umano ang mga suspek matapos ang dragnet operation dahil nang maganap ang insidente ay isang barangay chairman ang nakakita at kaagad na iniradyo kay Police Col. Robert Domingo ang plaka ng van na ginamit ng apat na salarin na ikinaaresto ng mga ito at mga dala nilang armas.

Kaugnay nito’y kinumpirma ni Charlie Jr. na may mga natatanggap nang death threat ang kanyang kapatid at hinala niya’y politika ang motibo ng pagpaslang. Ang bise-alkalde ay tumatayo ring OIC bilang mayor sa kanilang lalawigan

“Hindi siguro matanggap ng nakalaban nila na natalo nila ang mga ito kasi gumastos sila ng milyon e,” ayon kay Charlie Jr.

Samantala tiniyak naman ni MPD Director Police Maj. Gen. Vicente Danao Jr. na aalamin ng MPD ang lahat ng anggulo sa pamamaslang. (Juliet de Loza-Cudia)