Abante Tonite Interactive

Vice Mayor pinatay ng Riding-in-Tandem

By
0 3,033

Ilang araw pa lang ang nakakalipas matapos pagbabarilin si Trece Martires, Cavite Vice Mayor Alex Lubi­gan, isa pang bise alkalde ang pinatay din sa Zamboanga City kahapon ng hapon.

Base sa mga inisyal na ulat, binaril at napatay ng riding-in-tandem si Vice Mayor Al Rasic Mohammad Alih ng bayan ng Sapa-Sapa sa lalawigan ng Tawi-Tawi.

Ayon sa pulisya, nasawi ang bise alkalde makaraang isugod sa pagamutan dahil sa da­lawang tama ng bala sa kanyang dibdib.

Sakay umano si Alih ng isang Toyota Innova nang pagbabarilin ng riding-in-tandem.

May kasama diumanong miyembro ng pamilya ang biktima na siyang nagmamaneho ng kanilang sasakyan nang maganap ang pananambang.

Nabatid na galing sa isang mall ang biktima at habang binabagtas ang kahabaan ng Go­vernor Alvarez Avenue sa Zamboanga City ay tinambangan ito ng ri­ding-in-tandem.

Naganap ang panibagong pamamaslang sa mga opisyal ng local government unit (LGU) makalipas ang mahigit isang linggo matapos ang magkasunod na pagpatay kina Tanauan City, Batangas Mayor Antonio Halili noong Hulyo 2 at Gen. Tinio, Nueva Ecija Mayor Ferdinand Bote noong Hul­yo 3.

Noong Sabado, Hul­yo 7, ay pinatay naman si Vice Mayor Lubigan sa Cavite.