Abante Tonite Interactive

Vice pinagsasawaan na ang istilo

290

MILDRED BACUD: As of press time ay mahigit P400M na ang kinita ng pelikulang Fantastica na pinagbibidahan nina Vice Ganda, Dingdong Dantes at Richard Gutierrez.

Hindi pa rin naman natitinag sa pagiging number one si Vice pero ang kaibahan mas mataas ang gross ng last mo­vie niya na The Revengers kumpara sa Fantastica.

Ka­hit pa matapos na ang showing ng nasabing pelikula ay mukhang mahihirapan na mahi­gitan o matapatan man lang ang kinita ng last year movie niya sa ngayon.

Base sa mga nari­nig naming reaksyon sa mga nakapanood hindi raw ito ang pinaka- nakakatawang movie ni Vice. Wala raw bago. Dapat daw sa mga susunod na taon ay gumawa na si Vice ng pelikulang hindi full comedy kundi may lalim. Para naman daw ma-showcase talaga ang talent niya in acting. Masyado na raw pang-comedy bar ang mga hi­rit niya sa nasabing pelikula. Puwede rin daw na gawin na niya ang mga pelikulang ginawa ng yumaong Dolphy no’n like Ang Tatay Kong Nanay, Pacifica Falayfay at iba pa.

Well ang mga reaksyon na ito ang nagtulak sa amin na panoorin ang nasabing pelikula. At sa isang banda ay naintindihan namin ang reaksyon ng iba.

Puwede rin kasi na nasa direktor. Past movies niya with the late Wen Deramas ay talaga namang hagalpak sa tawa at last year si direk Joyce Bernal ang direktor sa The Revengers ay bongga rin naman. Si Barry Gonzales ay bagong direktor na binigyan ng tiwala sa Fantastica. Nagkulang nga ba siya? Mga friends whats your opinion on this?

RODEL FERNANDO: Nadismaya kami ng mga pinsan ko nang panoorin namin ang pelikula ni Vice Ganda na Fantastica. Hindi kasi kami natawa nang bonggang-bongga kumpara sa mga nakaraaan niyang pelikula. Kailangang baguhin na ni Vice ang istilo ng kanyang pagpapatawa? Isa pa, hindi kagandahan ang pelikula niya kaya may ilang sandali na inaantok kami habang nanonood.

Tigilan na rin siguro ang mga eksenang lagi na lang sinasampal at sinasabunutan ang dalawa niyang sidekick na kahit magagaling ay nakakasawa na ‘yung mga ganoong eksena na walang pinagkaiba sa mga pagpukpok ng dyaryo sa ulo sa mga pelikulang comedy noon.

Totoong nasa rurok ng tagumpay ngayon si Vice. At palagi ko ngang sinasabi na only in the Philippines na isang gay ang pinaka-bankable na artista na halos ang mga pelikula ay kumikita at nagtatala ng pambihirang record sa takilya pero kailangan din niyang mag-isip-isip.

Baka kasi bigla na lang isang araw ay pagsawaan na siya. Numero uno pa rin ang pelikula niya sa Metro Manila Film Festival 2018 pero hindi kasing lakas ng huli niyang pelikula sa MMFF last year.

ROMMEL PLACENTE: Oo nga base sa mga ilang nakakausap namin na nakapanood ng Fantastica, hindi raw nila ito nagustuhan. Hindi raw sila natawa. Mas nakakatawa pa raw ang Mary Marry Me nina Toni at Alex Gonzaga at Jack Em Popoy nina Coco Martin, Maine Mendoza at Vic Sotto.

First time lang namin nakarinig ng ganitong negative comment sa movie ni Vice. Dati lahat nagsasabi na nagustuhan at natawa sila sa mga pelikulang ginawa niya.

Hindi kaya dapat ding sisihin ang direktor ng movie na si Barry Gonzales? Kapag maganda kasi ang pelikula, ang direkor ang napupuri. Kapag pangit naman, ang direktor din ang nasisisi, ‘di ba?

Hindi kaya siya aware na hindi nakakatawa ang Fantastica? Baka kapag nakarating kay Vice ang hindi magandang review sa Fantastica ay hindi niya na gustuhing makatrabaho pa si Direk Barry Gonzales.

Panonoorin pa rin namin ang pelikula sa kabila nga ng hindi magandang mga reviews dito. Titingnan namin kung magugustuhan o matatawa kami rito o baka isa rin kami sa magsasabi na hindi ito maganda.

Anyway, congratulations kay Vice at sa lahat ng bumubuo ng Fantastica dahil ito ang top grosser sa lahat ng pelikulang naglalaban-laban sa MMFF 2018.

RONA AVECILLA: Well, tuwing MMFF ay pelikula ni Vice ang una na­ming pinapanood.

Talagang nabawa­san ang comical value ng pelikula niya this time. Ayon pa nga sa mga kasama naming nanood, naguluhan daw umano sila sa istorya dahil nag-focus nga ang pelikula sa pagpa­patawa. May mga eksena na pinilit lang talagang ilagay.

Kung ikukumpara ito sa Jack Em Popoy in terms of its comical value ay mas angat ang movie ni Coco Martin.

Saktong-sakto ang mga eksena at ‘di pilit ang mga punchline. Dito ko nakita na mas bagay si Maine sa mga action-comedy movie kaysa maging pabebeng mayaman ang role niya.