Abante Tonite Interactive

Victoria Chooks Player of the Week

0 136

Nalasap ng Mapua University ang unang panalo sa anim na laro sa 95th National Collegiate Athletic Association men’s basketball tournament first round eliminations sa pag-akay ni Laurenz Victoria.

Kumayod si Victoria ng season-high 29 points upang rendahan ang Cardinals sa panalo kontra Arellano University, 73-64, nitong Sabado.

“Mahirap kasi talagang kada talo namin, bumababa ang morale namin,” reaksyon ni Victoria.

Mahigpit ang naging labanan sa unang tatlong period kaya inako ni team captain Victoria ang opensa sa fourth upang sikwatin ang inaasam na panalo.

Abante lang ng dalawang puntos sa huling 1:09 minuto ng laban, dumiskarte ang 22-year-old guard upang umiskor ng fadeaway jumper para makahinga ang Cards.

Isang matinding depensa ang ginawa ng MU at saka muling pumuntos ng dalawang free throws si Victoria sapat para matakasan ang Chiefs.

Dahil sa kabayanihan ni Victoria, hinirang siyang Chooks-to-Go Collegiate Press Corps NCAA Player of the Week ng Agusgust 4-10.

“Kailangan kasi maging aggressive, ito yung chance namin na makuha yung unang panalo. Jumpball pa lang, pagkuha ko pa lang ng bola, inatake ko na talaga,” wakas ni Victoria. “Wala na akong pakialam basta manalo kami.”

Inungusan ni Victoria sa weekly citation sina Mike Nzeusseu ng Lyceum of the Philippines University at Evan Nelle ng San Beda University. (Elech Dawa)