Abante Tonite Interactive

Videoke nilimitahan ang oras sa Calapan City

By
632

Ilang KTV bar sa Calapan City, Oriental Mindoro ang natiketan ng city hall nitong nakaraang linggo matapos na lumabag sa bagong ordinansa na nagbabawal sa pagbi-videoke pagdating ng alas-10:00 ng gabi.

Simula noong Pebrero 1 ay pinatupad na sa Calapan City ang City Ordinance No. 13 na nagtatakda na papayagan ang kantahan o paggamit ng videoke ng mula alas-nuwebe ng umaga hanggang alas-10:00 lamang ng gabi.

Ang nasabing ordinansa ay naipasa ng City Council noong nakaraang taon.

Ang mga mahuhuling lalabag sa nasabing ordinansa ay mapapatawan ng P1,000 na multa sa first offense; P2,000 sa second offense at suspensyon ng business permit.

Sa third offense naman ay P3,000 at cancellation ng business permit o ‘di kaya’y confiscation ng mga videoke machine.

Kung sakaling nasa residential zones naman, sinabi ng ordinansa na pwedeng magpatugtog hanggang 12 midnight ng mga sound system ngunit dapat hindi lalagpas sa 60 decibels ang tunog nito.

Puwede rin umanong mag-videoke sa residential zones hanggang alas-dos ng umaga ngunit dapat ay hindi lalagpas sa 30 decibels ang lakas nito.

Exempted naman sa nasabing ordinansa ang mga aktibidad ng barangay, fiesta ng siyudad at probinsya, gayun na rin ang founding anniversaries at mga events na may permit galing sa city government.

Sinabi ni Calapan City Mayor Arnan Panaligan na ang maiingay na tunog ay nakakaistorbo sa mga natutulog na, lalo na sa mga pagod sa trabaho.