Abante Tonite Interactive

Villar at iba pang big time businessmen sa Boracay, dapat imbestigahan

By
937

Walang dapat na sinuhin ang gagawing imbestigasyon sa mga establisimiyento sa I­sla ng Boracay kaugnay ng mga umano’y lumabag sa batas sa pagdumi at pagkasira ng kalikasan.

Sa ngayon ay nagrereklamo ang mga maliliit na negosyante at may-ari ng mga maliliit na establisimiyento na sila ang unang tinamaan nang paggiba ng mga istraktura.

Pero dapat lahat ay magsakripisyo sa repormang ipinatutupad mismo ni Pa­ngulong Duterte sa Boracay dahil kung muling maisasaayos ang Isla ay mas pakikinabangan din ito ng mga negosyante.

Samantala, napaulat na mayroong dalawang property sa Boracay na pag-aari ng pamilya ni da­ting Senate President Manny Villar at Se­nator Cynthia Villar at ito ay ang Boracay Sands Hotel at Costa De La Vista.

Pero dapat ay siliping mabuti ang mga malalaking establisimiyento ng pamilya Villar at maging ng mga malalaking negosyante sa Boracay.

Kahit pa mayroong kumpletong permit at clearance ang mga ito ay dapat pa ring imbestigahan upang makatiyak na walang paglabag ang mga ito.

Kung mapapatunayan kasi na walang anumang violations ang mga establisimiyento ng pamilya Villar at ng ilang politiko ay magsisilbi itong modelo sa mata ng publiko.

Nakakahanga ang hakbang na ito mismo ni Pangulong Duterte sa pagsasaayos ng Boracay dahil magreresulta ito sa hinaharap na lalong sumikat ang Isla sa buong mundo.

Sana ay may ma­nagot sa mga nagpabayang opisyal mula sa mga lokal na pamahalaan at ng regional office ng DENR na siyang kumunsinti kung bakit naabuso at nasalaula ang Boracay.

Bukod dito ay dapat na silipin ang pondo sa Boracay partikular ang ibi­nabayad ng bawat turista sa pagpasok sa isla na para sa environment fee pero bakit hindi namantine ang kaayusan nito.

Nagbabala na si Pangulong Duterte sa sinumang magpoprotesta at lalaban sa reporma at pag-aayos ng Boracay dahil sila ay hindi sasantuhin ng Pangulo.