Abante Tonite Interactive

Villar na-bash sa kumain ng gulay kesa galunggong

462

Kinuyog ng mga netizen ang tila mataray na reaksiyon ni Senador Cynthia Villar na kung mahal ang presyo ng galunggong ay mas makabubuting magtanim at kumain na lang ng gulay ang mga tao.

“Kung mahal ang galunggong, eh ‘di ‘wag kumain ng galunggong, ‘di ba? There are other alternatives… Bakit ba gustong-gusto n’yo ‘yung galunggong kung mahal ang galunggong?” sabi ng senadora.

Sa kasalukuyan ay umaabot sa P240 hanggang P280 kada kilo ng galunggong na mas mataas na halos 50% sa dating presyo nito na P180 kilo. Dati-rati mas mura pa ito kaya’t binansagang ‘pagkain ng mahirap’.

Mungkahi ng senador na kumain na lang ng gulay kung hindi kayang bumili ng galunggong.

Ayon kay Villar, maraming alternatibong pagkain at puwedeng gawin sa halip na kumain ng galunggong. Sinabi pa nito na may ilang negosyanteng lumapit sa kanya at nagpapatulong na makakuha ng permit para makapag-angkat ng galunggong.

“‘Yang galunggong na ‘yan masyadong kontrobersyal. Gustong-gusto nila mag-import, may nagpapalakad pa sa akin na bigyan daw sila ng import permit sa galunggong,” lahad pa nito.

Hindi nagustuhan ng maraming netizen ang naging tugon ng mambabatas na anila’y pagpapakita ng ‘insensitive’ dahil hindi nito lubusang nauunawaan ang damdaming ng mga mahihirap.