Abante Tonite Interactive

Villar paasa! P5B sa magsasaka laway

1,051

Isang taon ang nakalipas mula nang ipatupad ang Rice Tariffication Law na iniakda ni Senador Cynthia Villar, nganga pa rin hanggang ngayon ang libo-libong mga magsasaka na pinangakuan ng P5 bil­yong pondo para sa tinatawag na ‘farm mechanization’ na naglala­yong matulungang pababain ang production cost ng industriya ng bigasan.

Hanggang noong Peb­rero 18, walang pondong ipinalalabas mula sa Rice Competitive Enhancement Fund para sa ‘mechanization component’ ng Rice Tariffication Law ni Senador Villar gayong P5 bilyon ang inilaan para rito, ayon sa nakalap na datos ng Department of Agriculture (DA).

Sa RCEF napupunta ang lahat ng taripa mula sa mga imported rice bukod sa P10 bilyong pondo na inilalagay dito taon-taon simula noong 2019 hanggang 2024 na bahagi ng implementasyon ng RTL kung saan pinapayagan din ang pagpasok ng mga murang imported rice sa Pilipinas.

Sa P10 bilyon, P5 bilyon ang nakalaan sa mechanization, P3 bilyon sa seed distribution at P1 bilyon sa probis­yon ng extension services at P 1 bilyon sa credit o pautang sa mga magsasaka, pagbili ng mga makabagong kagamitan sa pagsasaka,irrigation facilities, training at iba pang subsidy para umunlad umano ang nasabing sektor.

Base sa datos ng DA, tanging P1.5 bilyon ng RCEF ang nagastos noong nakaraang taon at P4.50 bilyon naman ang hindi pa naipapalabas o nagagamit.

Ipinaliwanag ng DA na sa pamamagitan ng mecha­nization, 944 farmers cooperative and association (FCA) ang makikinabang sana sa makabagong teknolohiya sa rice far­ming. Nabatid na napaso na ang Special Allotment Release Order (SARO) para sa mechanization component ng RCEF noong 2019.

Ang mechanization ang pinakakrusyal na hakbang tungo sa pagi­ging competitive ng mga magsasaka na daan para mapababa ang production cost sa bigas na dagdag kita para sa kanila.

Sa kasalukuyan, nasa 2.1 horsepower per hectare ang farm mechanization ng bansa kung saan 16 porsi­yento ng kita ng mga magsasaka ang nawawala.

Dahil dito, nananatiling mataas ang production cost sa bansa. Para sa isang kilo ng bigas, P12.72 ang nagagastos ng mga magsasaka, gayon P6.22 per kilo sa Vietnan, at P8.86 sa Thailand .

Kung hindi umano maipapatupad ang pa­ngakong mechanization, patuloy na malulugi ang mga rice farmer sa mataas na production cost kasabay ng pagbaha ng murang mga imported rice sa merkado.

Nauna nang inirereklamo ng mga magsasaka ang Rice Tariffication Law na nagpapahirap sa kanila dahil bumagsak ang presyo ng kanilang mga palay sa pagbaha ng mga imported rice.

Sinisi nila at pinagmumura noon si Senadora Villar dahil siya umanong may-akda ng Rice Tariffication Law.