Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Villar sinisi sa binurong P3.5B loan

0 131

Sinisisi ng isang grupo ng mga magsasaka si Senador Cynthia Villar dahil nakatengga pa rin umano ang P3.5 bilyong loan application nila sa sa ilalim ng Agricultural Competitive Enhancement Fund (ACEF)

Ayon sa Federation of Free Farmers (FFF), maaga pa lang ngayong taon naghain na ang maraming magsasaka ng loan application sa Landbank of the Philippines subalit hindi pa ito naipamamahagi dahil hindi pa napopondohan ang ACEF.

Tinatag ang ACEF noong 1996 para tulungan ang mga magsasaka at mangingisda na apektado sa pagpasok ng mga imported na agricultural product sa bansa.

Noong 2016, inamyendahan ang batas na nagtatag sa ACEF at inilagay ang 80% ng pondo nito sa Landbank para ipautang sa mga magsasaka at mangingisda. Inilagay naman ang 10% para sa scholarship ng Commission on Higher Education (CHED) at 10% sa scholarship ng mga state university para sa technology research and development.

Base sa iniulat ng Landbank sa pagdinig ng Senate committee on agriculture noong Setyembre 8, napautan na nila ang P4.16 bilyong pondo ng ACEF kaya kinailangan nitong itigil muna ang pagpapautang sa ilalim ng programa.

Sa ngayon, may 2,000 loan application na nagkakahalaga ng P3.5 bilyon sa kabuuan ang hindi pa maaksyunan, sabi naman ng FFF.

Subalit may mahigit P3 bilyon pang pondo umano sa Bureau of Customs (BOC) na para sa ACEF na maaaring gamitin kaagad.

Sabi ng FFF, bilang tagapamuno ng Senate committee on agriculture ay puwede namang hilingin ni Villar ang BOC, Bureau of Treasury at Department of Budget and Management (DBM) na ilabas na ang balance ng ACEF imbes na sayangin nito ang oras para sabihin na hindi na kailangang dumaan sa Department of Agriculture (DA) ang pondo.

“It is unfortunate that Senator Villar centered on an administrative issue instead of finding a way to address the urgent credit needs of farmers,” sabi ni FFF national manager Raul Montemayor.

Hindi aniya isyu ang pagdaan ng pondo sa DA dahil hindi ito ang dahilan kung bakit naaantala ang pamamahagi ng pautang dahil wala namang delay sa pag-release ng pondo mula sa DA.

Tinanong ng Abante Tonite ang tanggapan ni Villar tungkol sa isyu ngunit hindi ito nagbigay ng pahayag. (Eileen Mencias)

Leave A Reply

Your email address will not be published.