Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Villar umalma sa bakuna donation

0 106

Nairita si Senador Cynthia Villar sa sistema aniya ng gobyerno na obligadong mag-donate ang pribadong sektor mula sa kanilang bibilhing bakuna ng AstraZeneca laban sa COVID-19.

Ayon kay Villar, `double charging’ na ang ginagawa ng gobyerno sa mga malalaking negosyante na nais lamang makabili ng maaga ng bakuna dahil sa polisiya na kailangang mag-donate ang mga ito mula sa bibilhin nilang COVID-19 vaccine.

Kalokohan aniya na puwersahin ang mga negosyante ng 1:1 donation per vial.

“I just want to manifest that if you buy through government, `yong private sector, you have to donate one-half of what you are buying,” sabi ni Villar sa pagdinig ng Senate Committee of the Whole nitong Lunes hinggil sa vaccination plan ng gobyerno.

“Doble ang cost sa’yo kapag private sector ka,” dagdag ng senador.

Kabisado ito ni Villar base sa kanyang naging karanasan dahil sa isang grupo ng malalaking negosyante sa bansa ang nag-ambagan ng milyon-milyong piso para ibili ng COVID-19 bakuna ang kanilang mga empleyado subalit kinailangang magbigay din sila sa Department of Health (DOH).

Depensa naman ni vaccine czar Secretary Carlito Galvez Jr. na hindi ito polisiya ng gobyerno kundi ng AstraZeneca.

“Itong vaccine company (follows) the principle of no cost and equitable access. In order not to violate the Oxford rule is for the private sector (has) to donate at least half for equitable access,” paliwanag ni Galvez kay Villar.

Sinagot naman siya ni Villar na nais lamang makabili ng bakuna ng mga kompanya para sa kanilang mga manggagawa.

Samantala, nilinaw din ni Presidential Spokesperson Harry Roque na hindi makakabili ng bakuna ang mga local government unit kung walang koordinasyon sa national government.

Iginiit ni Roque na mayroong tripartite agreement ang national at local government kaya dapat na sundin ito. Aniya pa, national government pa rin ang magdi-distribute sa mga LGU ng bibilhing bakuna.

“Kasunduan iyan, legally enforceable agreement `yan — kapag hindi sinunod eh `di magkakaroon ng pananagutan iyong mga sumusuway sa tripartite agreement,” dagdag ni Roque.

Ganito rin ang lumabas sa pagdinig ng Senado nitong Lunes kung saan inihayag ng mga senador na dapat payagan ng Food and Drug Administration (FDA) ang pribadong sektor at mga LGU na makabili ng COVID-19 bakuna direkta sa mga pharmaceutical company.

“Bakit ang national government gusto i-monopolize ang pag-purchase? Bakit `di na lang payagan `yong LGUs at private sector to do their own purchases?” tanong ni Senate President Pro Tempore Ralph Recto.

Pero giit ni FDA Director General Eric Domingo, mahalaga aniyang dumaan sa national government ang pagbili ng bakuna dahil ang produktong iisyuhan ng EUA ay para sa local distribution lamang.

“It takes about seven years to procure a vaccine and they can only apply for a certificate of product registration or marketing authorization once that these three trials are completed,” paliwanag ni Domingo.

Responsiblidad aniya ng gobyerno ang paggamit ng isang produkto na under development pa.

“Naniniwala naman po kami na kailangan naman po talaga ng LGUs at ng private sector kaya nga po ginawan natin ng paraan para sila maka-access through DOH [Department of Health],” ani Domingo.(Aileen Taliping/Dindo Matining/Prince Golez)

Leave A Reply

Your email address will not be published.