Abante Tonite Interactive

Villar, Zamora mining firm walang permit

598

Walang permit pero matagal nang nag-o-operate ang mining company na pag-aari ng mga Villar at Zamora sa Mindanao partikular sa Caraga region, ayon sa National ­Commission on Indigenous Peoples (NCIP).

Ibinunyag ni NCIP-Caraga Regional ­Director Ferdausi Sanila Cerna sa online news site ­Politiko (politics.com.ph) na kabilang ang ­Agata Mining Ventures Inc. (AMVI) ng mga ­Villar at ang Nickel Asia Corp. ng mga ­Zamora sa walong mining company na natuklasan nilang nag-ooperate nang walang ­Certification Precondition (CP).

Tinukoy rin ni Cerna ang iba pang mining company na walang CP at kabilang dito ang San Roque Metals Corporation (SRMI), Taganito Mining Corporation (TMC), Adnama Mining Resources Inc. (AMRI), Taganito HPAL Nickel Corporation (THPAL), Platinum Group Metals Corporation (PGMC), at Greenstone Mining.

Gayunman, may nakasalang umano na ­aplikasyon para sa CP ang SRMI, TMC, THPAL, PGMC, at Greenstone Mining.

Ayon kay Cerna, natuklasan nila ang ­iligal na operasyon ng mga nabanggit na mining company nang humingi siya ng kopya ng kanilang memorandum of agreement (MOA) sa mga indigenous people sa Ancestral Domain Office ng NCIP sa Maynila.

Nabatid sa liham ni Atty. Michael Mamukid, bureau director ng NCIP Ancestral ­Domain ­Office, kay Cerna na napasakamay ng ­Politiko, na ang SRMI, TMC, THPAL, PGMC, at ­Greenstone Mining lamang ang may MOA sa mga indigenous people.

Nakasaad sa liham ni Mamukid na may petsang Oktubre 22, 2019 na hindi nag-apply para sa CP ang mga kompanya nina Villar at Zamora gayundin ang AMRI.
Sa ilalim ng Republic Act No. 8371 o The Indigenous People’s Rights Act of 1997, ­hindi puwedeng mag-isyu ang anumang ahensya ng gobyerno ng concession, license o lease at ­hindi rin maaaring pumasok sa anumang ­production-sharing agreement, kung walang certification mula sa NCIP.

Nakasaad din na saka pa lamang ­puwedeng magbigay ng certification ang NCIP kapag ­naipabatid sa mga indigenous people o ­indigenous cultural community (ICC) ang usapin sa pamamagitan ng konsultasyon at may pagsang-ayon ang mga ito.

Puwede rin ipatigil o suspindehin ng mga indigenous people o ng ICC ang isang proyekto kapag hindi ito nakasunod sa kinakailangang konsultasyon bago gawin ang isang proyekto.

Binigyang-diin pa ni Cerna na kailangang kumuha ng CP ang mga mining company kahit mayroon na silang MOA sa mga indigenous people at ICC.
Paliwanag ni Cerna, isang katibayan ang CP na nagkaroon ng free and prior informed and written consent o FPIC). Hindi anya ­puwedeng mag-operate ang isang aplikante kung walang CP.

Naniniwala si Cerna na kaya nakapag-op­rate ang mga nabanggit na mining company sa kabila ng kawalan ng CP dahil sa pakikipag­sabwatan umano sa ilang tiwaling opisyal ng NCIP ng nakaraang administrasyon.

“Just imagine how many years the ­mining firms have been getting away with not ­giving the IPs and government what they are due ­under the law. Some of them have been ­operating for decades without CP, ani Cerna.

Sinabi pa nito na sumulat na siya sa AMVI hinggil sa paglabag nito sa RA 8371 at ­magpapadala rin siya ng liham sa iba pang mining company na natuklasan nilang ­nag-o-operate kahit walang permit.