Abante Tonite Interactive

VILMA, PINONDOHAN ANG FANS

33

LALONG minahal ng Vilmanians si Cong. Vilma Santos nang nagbi­gay ito ng pondo sa grupo ng fans niya na Vilma Santos Solid Internatio­nal (VSSI).

Naka-text namin kamakalawa nang gabi ang presidente ng grupong ito na si Jojo Lim para alamin sana kung magkano ang donasyon ni Cong. Vi, pero ayaw niyang sabihin.

Sikreto na raw ito. Ang mahalaga ay meron silang pondo para maka­tulong sa mga miyembrong nangangailangan.

Natuwa ang Star for All Seasons na hanggang ngayon ay buo pa rin sila hindi lang para sumuporta sa kanya, kundi solid ang samahan nila at nagtutulungan sila.

Saad ni Cong. Vi, “Yun naman kasi ay suporta ko na rin dahil alam natin na sa tinatagal-tagal ko na sa industriya, napakaliit na bagay ‘yun para isuporta mo sa foundation nila.

“In a way kasi, marami na ring Vilmanians na nagkakasakit, ‘yung may mga matatanda na na Vilmanians na tumanda na nagmamahal pa rin sa ‘yo.

“Yung iba, binawian na ng buhay. So, ‘yung a little token na kahit paano… makatulong sa kanila.”

Gusto lang niyang i­parating sa solid supporters niya ang pasasa­lamat sa suporta sa kanya, magmula nu’ng namayag­pag siya sa showbiz hanggang sa pagpasok niya sa pulitika.

Pinuri ni Vilma ang pamumuno nitong VSSI dahil hindi sila nagkulang sa pagsuporta sa kanya at buo pa rin sila hanggang sa ngayon.

“Meron silang communication palagi, may coordination, and at the same time… Kasi, nakikita lang natin sila sa mga showbiz events na nandu’n ako.

“Pero alam mo kahit sa pagiging mayor ko, kasama ko na sila. ‘Yung governor ako, kasama ko pa rin sila. Walang mga cameras ‘yun, ha?

“Ngayong congresswoman na ako, kasama ko pa rin sila sa mga serbisyo.

“Kamukha nu’n, may mga Vilmanians from abroad na nagpapadala ng mga libro, nagpadala pa nu’n ng mga computers na puwedeng ibigay sa mga nangangailangan.

“Kahit sabihin mong second hand, pero nakakatulong pa rin ng malaki ‘yun. Ibig kong sabihin, ‘yung pagsasamahan namin, hindi mo lang masabing sa showbusiness.

“Kasi, ngayong ako’y nasa public service pa rin, kasama ko pa rin sila. Kung naglilingkod ako, naglilingkod din sila at may mga proyekto ako na nakakasama ko sila.”

Naipakita ng Vilmanians ang pagtulong at pagdamay sa fans na na­ngangailangan.

Kagaya ng na-feature sa Kapuso Mo Jessia Soho kamakalawa nang gabi kung saan may tinu­lungan silang avid fan ni Vilma na may Down Syndrome.

Matagal nang nakaratay itong taga-Pampanga na fan ni Cong. Vi na si Evangeline Muñoz.

Humingi ng tulong ang kapatid nito na gusto nilang pasayahin si Evageline sa 54th birthday nito.

Ang ginawa ng grupong VSSI ni Cong. Vi, bumuo sila ng birthday party para kay Evangeline at ang malaking surprise sa kanya ay ang pagdating ng iniidolong si Vilma Santos.

Pinagbigyan ni Cong. Vi ang hiling ng ate ng avid fan niya para mapasaya ang maaaring huling kaarawan nito.

Nagpasalamat si Cong. Vi sa effort ng solid supporters niya. Tuwang-tuwa siya nang dinaluhan niya ang pagtitipong iyun na kinober ng Kapuso Mo Jessica Soho.

“Hindi ko maipaliwanag ang pakiramdam, eh. Napakasarap ng pakiramdam,” pakli ng actress/politician nang tinanong namin kung ano ang nararamdaman niya nu’ng may pinasaya siyang isang fan na nakaratay na.

Sabi pa niya, “Iyun ang nagsisilbing inspirasyon sa akin to do better talaga.

“Aside sa pagiging isang public servant, alam ng lahat na siyam na taong gulang pa lang, nasa industriya na ako ng pelikula. Imagine, for so many years, ilang dekada nandiyan pa rin at nagpapakita ng pagmamahal at suporta at paniniwala sa ‘yo ang mga tao.

“Katulad ng Vilmanians, ‘yun ang magsisilbing inspirasyon sa ‘yo na ang dami-daming­ sumusuporta at nagmamahal sa ‘yo. Wala kang choice but to be happy­, and to do better for them.”

Kaya ang hangad ni Cong. Vi na maging buo pa rin ang Vilma Santos Solid International at active pa rin sa pagtulong sa mga nangangaila­ngan lalo na sa kapwa Vilmanian.

***

Pinabulaanan sa amin ni Jojo Lim ang narinig naming tsismis na nag-aaway-away na ang ilang miyembro ng kanilang grupo dahil sa pera.

Walang ganu’ng isyu, sabi ni Jojo.

Solid sila na walang intrigahan para sa kanilang nag-iisang Star for All Seasons na si Cong. Vi.