Abante Tonite Interactive

‘Vince & Kath & James’ abante sa takilya

By
Joshua & Julia & Ronnie
11

TAMA ang hula na pipilahan sa MMFF 2016 ang Vince & Kath & James (nina Joshua Garcia & Julia Barretto & Ronnie Alonte, na prodyus ng Star Cinema), Die Beautiful (ni Paolo Ballesteros) at Ang Babae Sa Septic Tank 2 (nina Eugene Domingo & Jericho Rosales).

Malakas din ang horror movie na Seklusyon!

Magkaribal sa pagi­ging kulelat ang Oro (ni Mercedes Cabral) at Sunday Beauty Queen.

Naku, baka mapa-“Fuc*ing idiot!” na naman si Mercedes, huh?!

Iyong Kabisera (ni Nora Aunor), maliit lang ang sinehan sa Greenbelt ay hilahod pang mangalahati.

Kaya dapat sipag-sipagan ng Noranians ang paulit-ulit na panonood, or else, baka ito ang ma­ngulelat.

Bukod tangi ang Kabisera sa MMFF 2016 entries na hindi nakakuha ng grado sa CEB (Cinema Evaluation Board).

***

Akala namin, makakasama ni Jericho ang 16 y/o son niyang si Santino Rosales na manonood ng filmfest entry niya na Ang Babae Sa Septic Tank 2 (Forever Is Not Enough), pero hindi pala!

Nasa Lake Tahoe kasi sa Amerika si Santino kasama ang ina nito na si Kai Palomares.

Hanggang pagkatapos na ng New Year doon ang mag-ina, kaya ayon kay Kai, baka kapag may DVD copy na ang Ang Babae Sa Septic Tank 2 (Forever Is Not Enough) ay saka ito mapanood ni Santino.

Marami ang humuhulang susundan ni Santino ang mga yapak ng ama bilang artista at posible itong maging big star, pero quiet lang tungkol sa bagay na ‘yon si Kai, na dating model.

Mukhang mas posible na sundan ni Santino ang mga yapak ng kanyang ina dahil paminsan-minsan ay nagmo-model na rin ito.

Kamakailan ay rumampa si Santino sa isang fashion show at biniro namin si Kai na very stage mother siya sa pagbubunyi sa galing ng kanyang anak sa pagmomodelo.

***

Habang nakapila kami sa isang bank noong Biyernes, naaliw kami sa kuwentuhan ng dalawang taong very obvious na konektado sa isang car dealership.

‘Yung unang guy, inu­utusan ang kasama niya na mag-post sa social media thanking ‘yung isang aktres na nakanegosasyon nila tungkol sa isang sasakyan.

Tila bumili ng isang mamahaling van sa kanila ang aktres na nagkaproblema sa kanyang mister kamakailan.

Maya-maya, napagkuwentuhan ng dalawa ang tungkol sa tattoo ng aktres.

Obvious daw na pinabura ng aktres ang tattoo na ‘yon na ang hula ng dalawang magkatsikahan ay pangalan ng mister ng aktres.

Sa lakas ng kuwentuhan ng dalawa, distracted kami at ang ibang mga tao na nakapila sa loob ng bank.