Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Vios gang kumana sa Lucena, Batangas

0 62

Umaabot na sa anim na kotseng Toyota Vios ang nabiktima ng gumagalang mga magnanakaw ng gulong sa Lucena City at Batangas.

Ang modus ng mga suspek, tutukuran ng bato ang mga sasakyan at nanakawin ang apat na gulong ng mga ito.

Sa Batangas City, magkakasunod na tinira ng mga kawatan ang tatlong Vios na ang dalawa ay pag-aari ng Team Aces Driving Academy na nakaparada sa harap ng kanilang tanggapan sa Barangay Bobok noong Oktubre 3.

Kasunod nito, isa pang Vios na nakaparada naman sa National Road, Brgy. Calicanto, Batangas City ang ninakaw din ang apat na gulong.

Sa kuha ng CCTV, isang kulay puting van ang pinagsakayan sa 12 gulong na nakuha sa tatlong sasakyan.

Sa Lucena City, tatlong kaso na rin ng pagnanakaw ng gulong ng mga Vios ang naitala ng pulisya.

Unang tinira ng mga kawatan ang isang Vios na nakaparada malapit sa public cemetery ng lungsod.

Kasunod ang isang Vios na nakaparada sa parking lot ng Meralco office na tinira bandang alas-sais ng umaga.

Ayon sa ilang nakapansin, inakala nilang ginagawa lamang ang kotse kaya tinatanggal ang apat na gulong nito.

Kasunod na nabiktima ang isa pang VIos na naka-park sa harap ng isang drug store sa national highway na katapat lamang ng Lucena SM-City.

Hinala ng mga imbestigador, apat hanggang lima katao ang magkakasamang gumagawa ng pagnanakaw at gumagamit ng crocodile jack para mabilis ang pagkuha.

May mga dala na rin umanong pangkalang na bato ang mga suspek na gumagamit ng isang closed van na kargahan ng mga nananakaw na gulong.

Ayon pa sa pulisya, posibleng mga taga-ibang lugar ang mga suspek at dumadayo lamang sa Lucena City at sa Batangas City.(Ronilo Dagos)

Leave A Reply

Your email address will not be published.