Abante Tonite Interactive

Viral mentality ng mga Pinoy

235

Hit na hit ngayon sa mga Pinoy ang anumang ‘viral’ story.

Mapa-video man ‘yan, litrato o kahit simpleng post sa social media sites na tulad ng Facebook, YouTube, Twitter o Instagram.

Kahit ang mga higanteng TV network at mga lehitimong diyaryo ay nakikisawsaw na rin sa mga online viral stories. Ipinipresenta ito sa anyo ng balita.

Itong viral mentality ay kakambal pa rin ng pagiging fan ng mga Pinoy. Kapag sinabing viral, ibig sabihin ay daan-libo o milyon ang views at reaksyon, libong ulit na na-share at bonggang pinag-usapan. Kaya ang awtomatikong impresyon ay sikat.

Basta sikat, kinakagat ng Pinoy.

Hindi bale sana kung positibo o magaganda ang mga nagba-viral na istorya o video. Paano kung pangit ito at puwedeng makaimpluwensya sa iba sa maling paraan?

Ang nangyayari kasi kahit pangit at mali (kung moral values ang pagbabasehan) basta nagba-viral, hinaha­ngaan o kinabibiliban.

Sa mata ng mga kabataan, “astig ang dating” kaya kahit mali at pangit, tinutularan at kung minsan ay gusto pang lampasan ang kasikatan.

Nakakalungkot lang na maging ang mga pribadong buhay at insidente, napapakialaman gamit ang camera ng mga mobile phones at kung mag-upload, akala mo’y bahagi ng karapatan ang pakikiusyoso sa personal na buhay ng kapwa.

Kaya dapat ay maging responsable sa lahat ng pagkakataon. Huwag basta magpatangay sa tukso ng “pabida at pasikat”.