Abante Tonite Interactive

Virgin Coconut Oil panlaban sa Covid-19?

1,000

Nagmamadali ang buong mundo na makahanap ng gamot at bakuna laban sa Covid-19 lalo na at nadadagdagan araw araw ang mayroon nito, at namamatay dahil sa sakit.

Naniniwala ang mga siyentista at mananaliksik ng Ateneo de Manila University na maaaring nandito lang sa Pilipinas ang isa sa solusyon, kaya’t inilapit nila ang kanilang pag-aaral hinggil sa benepisyo ng virgin coconut oil sa Department of Science and Technology at sa National University of Singapore – Duke Center.

Nakausap ko si Dr. Fabian Dayrit, isang scientist at Chemistry Professor ng Ateneo kaugnay ng kanilang research sa VCO na mayroong safe at effective antiviral compounds na maaaring gamitin ng tao at hayop.

Ayon kay Dr. Dayrit, ang VCO ay may lauric acid at monolaurin na maaaring makapatay sa virus. Natutunaw nito kasi ang balot ng virus at napipigilan ang pag-mature ng virus sa panahon na ito ay nagpaparami na, at napipigilan din ang pagkabit ng viral protein sa cell membrane ng kinapitang tao o hayop.

Ang VCO ay galing sa laman ng niyog na maaaring patuyuin o katasin ng basa, at saka ihihiwalay ang oil mula rito.

Dati nang ginagamit ang VCO para sa ibang uri ng virus. Mismong ang ama ni Dr. Dayrit na si Dr. Conrado Dayrit, ang tinaguriang Dr. VCO, ang nakatuklas ng galing nito nang gamitin sa mga HIV patients sa isang pag-aaral noong 1998. Labinlimang HIV patients ang tumaas ang kanilang antibodies. Tumaas ang CD4, CD8 at T-Lymphocyte count nang gamitin ang VCO. Ang mga cells na ito ay pinapatay ng HIV.

Nagagamit na rin ang VCO sa mga manok na may Avian Flu.

Pag-aaralan ng National University of Singapore ang mga research documents ng grupo ni Dayrit at titingnan kung gaano ito ka-epektibo at gaano karaming dosage ng VCO ang ibibigay sa isang pasyenteng may Covid-19.

Pero para kay Dr. Dayrit, walang masama kung iinom na tayo ngayon ng VCO bilang suplemento. Siya ay umiinom ng apat na kutsara ng VCO araw-araw at aniya, hindi pa siya nagkasakit kahit minsan.

Tonite – Wendys Inhouse Ad