Abante Tonite
Mabilis sa Balita

VISAI-Calida kinopo P4 DOJ deal

0 1,028

Pumasok ang Department of Justice (DOJ) sa panibagong kontrata sa security agency ng pamilya ni Solicitor General Jose Calida na nagkakahalaga ng P4.36 milyon.

Base sa Notice of Award na may petsang July 1, 2020 kay Vigilant Investigative and Security Agency Inc. (VISAI) corporate secretary Raymond De Vera, sinabi ni DOJ Undersecretary Adrian Ferdinand S. Sugay na ang pagpapalawig ng kontrata ay para sa July 1, 2020 hanggang December 31, 2020.

Ang security service ay para sa DOJ head office, sa Sunny Oak Inc. Building, GSP Annex Building, Board of Pardons and Parole sa Quezon City, OCP Malabon, at OCP Navotas.

May kontratang pinirmahan ang DOJ at ang VISAI noong January 27, 2020 para sa security service ng mga nasabing lugar. Nagkaroon ng public bidding conference para sa kontrata noong November 27, 2019.

Niresolba ng Bids and Awards Committee na palawigin ang kontrata para hindi matigil ang serbisyo nito ngayong panahon ng pandemya.

Noong 2018, marami na ring nakuhang kontrata sa mga tanggapan ng pamahalaan ang VISAI. Nakuha nito ang P17.7 milyong kontrata sa Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) para sa 45 security guard.

Base sa ulat, si Calida ang pangalawa sa may pinakamalaking suweldo sa pamahalaan noong 2019. Kadalasan, ang listahan ng top 10 highest paid government official ay galing sa BSP, Supreme Court, at mga government bank. (Eileen Mencias)

Leave A Reply

Your email address will not be published.