Abante Tonite Interactive

Viva La Virgen!

0 88

julius-segovia

Kilala tayong mga Pilipino na may pagpapaha­laga sa mga naging parte ng ating kasaysayan. Sa katunayan, maraming idineklara ang Pambansang Museo ng Pi­lipinas bilang Pambansang Yamang Pangkalinangan o ­National Cultural Treasure.

Kabilang sa mga ito ang San Agustin Church sa Maynila, Bamboo Organ sa Las ­Piñas, Arch of the Centuries sa Unibersidad ng Santo Tomas at marami pang iba.

Pero sa kauna-unahang pagkakataon, isang imahen ng Birhen ang idineklarang National Cultural Treasure ng Pambansang Museo ng Pilipinas — ang Orihinal na Banal na Pintang Larawan ng Mahal na Birhen ng Soledad ng Porta Vaga sa Cavite City.

Sa librong akda ni Fr. Virgilio Saenz Mendoza, nakasaad ang mga milagro ng Mahal na Birhen.

Nang sinalanta ng malakas na bagyo ang Cavite City noong 1856, nagdulot ito ng matinding pagbaha sa lungsod. Pero nakapagtatakang hindi nadamay ang simbahan at patio nito.

Isa pa umanong milagro ang nangyari noong 1857 sa baybayin ng Legazpi, Albay. Ang barko ng Spanish Frigate ay naligtas mula sa malakas na bagyo at hangin dahil sa kanyang pagdarasal sa imahe ng Virgen de la Soledad.

Ang himno ng Virgen de la Soledad na pinamagatang “Reina de Cavite,” inilapat mismo ni Don Julian Felipe na siya ring naglapat ng musika ng ating Pambansang Awit na “Lupang Hinirang.”

Ayon kay Prof. Genoveva Edroza Ma­tute, kilalang manunulat ng balarilang ­Tagalog, ang kapistahan ng San Diego sa nobela ni Dr. Jose Rizal na Noli Me ­Tangere ay hango sa kapistahan ng Nuestra ­Señora de la Soledad ng Cavite, dahil walang bayan sa Pilipinas na nagnga­ngalang San Diego at sa panahong isinulat ni Rizal ang kanyang nobela’y namama­yagpag naman ang kapistahan ng Cavite.

Kaya hindi kataka-takang itinalaga bilang Yamang Pangkalinangan ng Bansa ang imahen ng Birhen dahil sa kanyang naging parte at patuloy pang nag-aambag sa ating mayamang kasaysayan. (with inputs from Kevin Patrick Sayaman)